ZAMBALES —Sinimulan nitong Lunes, Marso 23 ng Lokal na Pamahalaan ng San Marcelino, sa pamumuno ni Hon. Mayor Elvis Ragadio Soria, ang clearing at pagsasaayos ng mga buhol-buhol na kable sa kahabaan ng national highway sa Barangay La Paz ng naturang munisipalidad.
Isinasagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan ng mga telecommunications companies at ZAMECO II, na may layuning mabawasan ang mga panganib sa komunidad dulot ng mga nakasabit at lumang kable. Kabilang sa mga posibleng idulot ng mga ito ang sunog, aksidente sa kalsada, pagkakuryente, at pagkawala ng suplay ng kuryente.
Ang aktibidad ay bahagi ng inisyatiba ng Task Force “Wire Wise SMZ,” na pinangungunahan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa pamumuno ni Arsenio Edar Mauricio III. Katuwang din sa implementasyon ang Municipal Engineering Office, Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), at ang Traffic Management Unit.

Mahigpit ding nakikipag-ugnayan ang Task Force sa mga telecommunications companies at ZAMECO II upang matiyak ang maayos, organisado, at ligtas na pagsasaayos ng mga linya sa mga pangunahing kalsada ng bayan.
Personal na binisita ni Mayor Soria ang isinagawang operasyon upang masuri ang aktwal na kalagayan ng mga kable at tiyakin ang maayos na implementasyon ng proyekto.
Ayon sa Task Force, isasagawa ang clearing operations tuwing Lunes at inaasahang magtatagal nang mahigit isang buwan, na sasaklaw sa iba pang bahagi ng San Marcelino.
Layunin ng inisyatibang ito na tiyakin ang kaligtasan ng publiko at mapanatili ang kaayusan ng mga imprastraktura sa bayan.


Leave a comment