BATAAN — Pormal na isinagawa nitong Lunes, Marso 23, 2026 ang Memorandum of Agreement (MOA) Signing Ceremony para sa dalawang proyektong pangkalikasan na bahagi sa patuloy na adbokasiya ng AboitizPower at mga subsidaryo nitong kumpanya na GMEC-GNPD sa pangangalaga ng kapaligiran.
Kabilang sa mga nilagdaang proyekto ang pitong taong adoption ng humigit-kumulang labindalawang ektaryang bakawanan sa ilalim ng Orani Mangrove Experimental Forest (OMEF). Isasakatuparan ito sa pakikipagtulungan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Provincial Government of Bataan (PGB), lokal na pamahalaan ng Orani, at Tubo-tubo Fisherfolks Association.
Kasabay nito, inilunsad din ang Sagip Pawikan Conservation and Protection Project katuwang ang DENR, PGB, lokal na pamahalaan ng Morong, at SAGIP Pawikan Sitio Fuerte Association. Sa ilalim ng kasunduan, kukupkupin ng AboitizPower ang pawikan hatchery ng Sagip Pawikan sa loob ng limang taon upang mapalakas ang pangangalaga sa mga nanganganib na sea turtles.

Dumalo sa seremonya ang mga kinatawan mula sa DENR, pamahalaang panlalawigan, mga lokal na pamahalaan, at AboitizPower GMEC-GNPD, kasama ang mga lider ng people’s organizations na katuwang sa implementasyon ng mga proyekto. Ipinahayag nila ang kanilang buong suporta at pangako sa pagsusulong ng mga programang pangkalikasan, partikular sa pangangalaga ng mangrove forests at proteksyon sa mga pawikan sa lalawigan.
Ayon kay Andrea Melind Madrid, Vice President for Corporate Services ng GMEC at GNPD, mahalaga ang matibay na ugnayan ng iba’t ibang sektor upang maging matagumpay ang mga inisyatibong pangkalikasan.
“Naniniwala kami sa AboitizPower na ang pangangalaga sa kalikasan ay nangangailangan ng matibay na pakikipagtulungan,” ani Madrid. “Sa pamamagitan ng Sagip Pawikan project, hindi lamang natin pinoprotektahan ang mga nanganganib na pawikan, kundi sinusuportahan din natin ang mga komunidad at pinananatili ang yaman ng baybaying-dagat ng Bataan para sa susunod na henerasyon.”
Matapos ang MOA signing, nagsagawa rin ng pagbisita ang mga kalahok sa Orani Mangrove Adoption and Conservation Site sa Sitio Pulo, Barangay Kabalutan, Orani, Bataan bilang bahagi ng patuloy na kampanya para sa pangangalaga ng likas na yaman.
📸 Atty Tony Roman


Leave a comment