MARINDUQUE — Nanawagan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) MIMAROPA sa publiko na makiisa sa pangangalaga at proteksyon ng Philippine deer (Rusa marianna) kasunod ng muling paglitaw nito sa lalawigan ng Marinduque.
Ayon sa DENR, ang pagbabalik ng Philippine deer ay malinaw na patunay na ang kalikasan ng lalawigan ay nananatiling buhay at may kakayahang magpanumbalik kung ito ay maayos na napangangalagaan.
Ang nasabing species ay mahalagang bahagi ng ecosystem, na tumutulong sa pagpapanatili ng balanse sa kagubatan at likas-yaman. Kilala rin ito bilang maamo at hindi agresibo, bagama’t kamakailan ay mas madalas na itong namamataan sa mga komunidad, kabilang ang mga kabahayan at gilid ng kalsada.
Gayunpaman, binigyang-diin ng DENR na ang Philippine deer ay isang wildlife na nararapat igalang at pangalagaan. Ito ay kabilang sa mga vulnerable species ayon sa International Union for Conservation of Nature (IUCN), at itinuturing na endangered sa ilalim ng DENR Administrative Order No. 2019-19. Batay sa pag-aaral noong 2012, ang naturang species ay matagal nang pinaniniwalaang “presumed absent” sa Marinduque.
Kaugnay nito, mahigpit na pinaaalalahanan ang publiko na: huwag lapitan, pakainin, habulin, hulihin, saktan, o patayin ang Philippine deer; mag-ingat at maghinay-hinay sa pagmamaneho sa mga lugar na maaaring tawiran ng wildlife; iwasan ang anumang gawaing makasisira sa kanilang tirahan; at i-report sa lokal na pamahalaan, barangay, o sa DENR ang anumang sightings o ilegal na aktibidad laban sa wildlife.
Ipinaalala rin ng ahensya na alinsunod sa Republic Act No. 9147, mahigpit na ipinagbabawal ang pananakit, panghuhuli, pagpatay, at pag-aari ng wildlife nang walang pahintulot.
Ang sinumang lalabag ay maaaring makulong mula anim (6) na buwan at isang (1) araw hanggang anim (6) na taon, at/o pagmumultahin ng halagang ₱50,000 hanggang ₱500,000, depende sa bigat ng paglabag.
Sa kasalukuyan, may mga park rangers o bantay kalikasan mula sa DENR, lokal na pamahalaan, at mga katuwang na ahensya na nakatalaga sa mga natukoy na lugar upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagbabantay at proteksyon ng species.
Patuloy rin ang koordinasyon sa iba’t ibang sektor upang mapalakas ang mga hakbang sa konserbasyon.
Itinuturing na natural na tirahan ng Philippine deer ang Marinduque Wildlife Sanctuary, isang protected area sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 696 na nilagdaan noong Agosto 17, 2004.
May kabuuang lawak itong 9,758.71 ektarya at sumasaklaw sa limang munisipalidad at dalawampu’t tatlong barangay. Ito ay bahagi ng National Integrated Protected Areas System (NIPAS), alinsunod sa Republic Act No. 7586 na inamyendahan ng Republic Act No. 11038.
Nananawagan ang DENR MIMAROPA sa lahat ng mamamayan na maging katuwang sa pangangalaga ng wildlife. Nagpasalamat din ang ahensya sa komunidad, publiko, at media sa aktibong pagbabahagi ng impormasyon na nakatulong sa pagkumpirma ng presensya ng Philippine deer sa lalawigan.
“Ang kalikasan ay hindi lamang para sa atin—ito ay para rin sa susunod na henerasyon. Sama-sama nating pangalagaan ang ating wildlife,” pahayag ng DENR.


Leave a comment