Ang Pahayagan

Cayetano pumabor sa Healthcare Proxy bill, iginiit ang mas makataong pagtingin sa pasyente

Sinuportahan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang panukalang magbibigay sa mga Pilipino ng karapatang pumili ng taong magdedesisyon para sa kanilang gamutan kahit hindi ito legal na kinikilalang kapamilya.

“I haven’t seen a real shift in how we look at our health system, and part of improving it is making sure patients are heard even when they can no longer speak for themselves,” wika ni Cayetano nang lagdaan niya ang committee report ng Healthcare Proxy Act.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1985 na sponsor nina Senator Risa Hontiveros at Loren Legarda, maaaring magtalaga ang isang pasyente ng tinatawag na healthcare agent o isang taong pinagkakatiwalaan na magpapasya para sa kanya kapag hindi na siya makapagsalita o makapagdesisyon.

Sakop nito kahit ang partner, kaibigan, o sinumang malapit sa pasyente na hindi naman pasok sa tradisyunal na depinisyon ng pamilya sa batas.

Kung maisabatas, obligado ang mga ospital at iba pang health providers na kilalanin ang mga itinalagang healthcare agent, upang maiwasan ang kalituhan at pagkaantala sa oras na kritikal ang sitwasyon.

Nilinaw rin na hindi nito binabago ang umiiral na batas tungkol sa pamilya. Ang tinutugunan nito ay ang mga pagkakataong may malinaw na pinagkakatiwalaan ang pasyente, pero hindi kinikilala ng sistema.

Sa kasalukuyan, marami ang mga kaso kung saan ang pinakamalapit sa pasyente— partner man o kaibigan — ay hindi pinapayagang magdesisyon kahit sila ang mas nakakaalam ng kagustuhan nito.

Para kay Cayetano, mas malawak ang realidad kaysa sa nakasulat sa batas, lalo napagdating sa mga ugnayang nakabatay sa tiwala at pag-aaruga.

Nakatakdang talakayin ang nasabing panukala sa mga susunod na sesyon ng Senado. (PR)

Leave a comment