SUBIC, ZAMBALES — Dumulog sa Zambales Police Provincial Office ang pamunuan ng Lumina Homes Subic Homeowners Association (HOA) upang i-reklamo ang hinggil sa serye ng pagnanakaw at kahina-hinalang aktibidad sa kanilang komunidad.
Sa liham na may petsang Marso 18, 2026, ipinarating ng HOA kay Provincial Director PCol Pantaleon P. Perdez ang kanilang pagkabahala sa patuloy na insidente ng krimen sa loob ng subdivision.

Ayon sa kanila, bagama’t naipagbigay-alam na ang mga insidente sa barangay at lokal na pulisya, wala pa ring naitatalang pag-aresto sa mga hinihinalang sangkot. Tinukoy ng HOA ang dalawang indibidwal na kilala sa alyas na “Ilyong” at “Ashner” bilang mga suspek sa magkakaugnay na insidente.
Kalakip ng kanilang ulat ang mga CCTV footage at video na nagpapakita ng umano’y aktibidad ng mga ito sa lugar.
Batay sa kanilang dokumentasyon, kabilang sa mga naitalang insidente ang pagnanakaw ng bisikleta noong Pebrero 16, pagkuha ng cellphone at construction materials noong Marso 15, at ang pinakahuling footage noong Marso 17 kung saan makikitang nagsasagawa umano ng pagmamanman ang mga suspek sa paligid ng subdivision.
Isa rin sa mga tinutukoy na suliranin ng HOA ang umano’y pinagtataguan ng mga suspek sa ilalim ng tulay na malapit sa lugar, na sinasabing ginagamit upang umiwas sa mga guwardiya.
Binigyang-diin ng samahan ang pangamba ng mga residente at manggagawa sa patuloy na banta sa seguridad. Dahil dito, nanawagan sila ng agarang operasyon mula sa provincial police upang mahuli ang mga suspek at masiguro ang kaligtasan sa komunidad. Handa naman umano ang HOA na makipag-ugnayan at magbigay ng karagdagang ebidensya upang mapabilis ang imbestigasyon at aksyon ng mga awtoridad. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)


Leave a comment