Naghain si Zambales 1st District Representative at Deputy Speaker Jay Khonghun ng isang panukalang batas na naglalayong mapababa ng 70% ang singil sa tollway sa gitna ng tuloy tuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.
Sa ilalim ng “Tollway Fee Reduction Act” o House Bill No. 8652 iminungkahi ni Khonghun ang kaagad na 50% pagbabawas ng singilin sa toll fee sa unang taon habang 20% pa kabawasan na singil sa susunod na taon.
Kabilang dito ang mga Class 3 na sasakyan na nagdadala ng mahahalagang produkto at kalakal, mga Public Utility Vehicles (PUVs) na nagseserbisyo sa mga pasahero at mga sasakyang bumibiyahe sa oras na hindi matao o off-peak hour.
Ayon sa mambabatas, layunin nitong magbigay ng agarang ginhawa at pangmatagalang solusyon bunsod ng tumataas na gastusin sa transportasyon sa kabila ng nararanasang pagsirit pataas ng presyo ng krudo at gasolina bunsod ng nagaganap na kaguluhan sa gitnang silangan.
Dahil dito labis na apektado ang sektor ng transportasyon kabilang ang mga motorista, mananakay at mga logistics operator

Tumataas din umano ang presyo ng mga bilihin, bumabagal ang galaw ng ekonomiya, at apektado ang kapakanan ng lahat.
“Ang mataas na singil sa tollway ay lalo pang nagpapabigat sa gastusin sa pagbiyahe ng mga produkto at pasahero kung kaya’t dapat bigyan prayoridad ang ilang sektor upang lubos na maramdaman ang benepisyo ng pagbawas sa toll fee.” Ayon pa kay Khonghun. (PR)


Leave a comment