Ang Pahayagan

Pagpalit sa pangalan ng PRMSU sa ZSU ni Cong. Maniquiz, umani ng samu’t-saring reaksyon

ZAMBALES — Nagdulot ng magkakaibang reaksyon mula sa mga estudyante, alumni, at ilang miyembro ng komunidad ang panukalang House Bill No. 8520 na naglalayong palitan ang pangalan ng President Ramon Magsaysay State University (PRMSU) at gawing Zambales State University (ZSU).

Ang panukalang House Bill No. 8520 ayon sa naunang inilabas na pahayag ng tanggapan ni Congresswoman Doris “Nanay Bing” E. Maniquiz, ay may layunin na higit pang palakasin ang pagkakakilanlan ng unibersidad bilang state university ng lalawigan ng Zambales at maiayon ito sa karaniwang sistema ng pagbibigay-pangalan sa mga State Universities and Colleges (SUCs) sa bansa.

Nakalahad din sa panukala na batay sa mga datos, sa labindalawang SUCs sa Central Luzon, ang PRMSU lamang ang ipinangalan sa isang tao habang ang karamihan ay gumagamit ng pangalang heograpikal. Sa buong bansa, tinatayang 92 porsiyento ng 113 state universities and colleges ang ipinangalan sa kanilang lalawigan, rehiyon, o sa Pilipinas, na nagpapakita umano ng kahalagahan ng pagkakaroon ng place-based identity para sa mga state-funded universities.

Sa isang isinagawang survey din umano sa mga estudyante, alumni, magulang, at empleyado, lumabas na 93.32 porsiyento ang sumasang-ayon na panahon na upang palitan ang pangalan ng unibersidad, habang 98.51 porsiyento ang nagpahayag ng pagmamalaki sa pagkakakilanlang “Zambaleño.”

Sa kabilang banda ilang estudyante, alumni, at residente ang agad nagpahayag ng kanilang opinion at naghayag ng hindi pagsang-ayon sa panukala. Sa mismong facebook post kung saan unang inihayag ni Maniquiz ang hinggil sa naturang panukala, naghayag ang mga ito ng kani-kanilang reaksyon hinggil sa panukala.

Nangingibabaw rito ang reaksyon na mahalaga anila ang kasalukuyang pangalan ng unibersidad dahil ito ay nagbibigay-pugay sa dating Pangulo ng Pilipinas na si Ramon Magsaysay, na isang kilalang anak ng Zambales.

Pinuna din ng ilan na hindi anila napapanahon ang paglabas ng naturang panukala dahilan sa nataon pa umano ito sa paggunita ng anibersaryo ng pagpanaw ni Magsaysay tuwing ika-17 ng Marso.

May alegasyon din na may bahid ng pulitika ang panukalang pagpapalit ng pangalan sa naturang unibersidad dahilan sa ang PRMSU umano ay panukala ng dating kongresista na sinundan ni Maniquiz.

Nitong umaga ng Marso 17 ay naglabas ng pahayag si Maniquiz sa kanyang facebook wall na humihingi ng paumanhin tungkol sa inihain na panukalang batas.

“Ako po ay humihingi ng paumanhin patungkol sa panukalang batas na aking inihain kanina. Ito po ay aking ire-retract first hour tomorrow morning,” ani Maniquiz sa kanyang inilabas na statement.

Sinabi din niya na napakataas ng kanyang respeto para sa dating Pangulong Ramon Magsaysay, Gov. Vic Magsaysay, at lalong lalo na kay Cong. Antonio Diaz na pamangkin ni Pres. Magsaysay, at aniya ang ‘isinubmit na panukalang batas ay isang “lapse of judgement”. (Ulat para sa Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)

Leave a comment