Ang Pahayagan

Isyu ng mga guro tinalakay sa konsultasyon ng Act Teachers Partylist

CABANATUAN CITY — Nagsagawa ng konsultasyon ang ACT Teachers Partylist sa mga guro ng Cabanatuan City Division sa Cabanatuan East Central School (CCES) bilang bahagi ng patuloy na pakikipagdayalogo ng organisasyon sa sektor ng edukasyon upang marinig ang kalagayan at pangunahing suliranin ng mga guro.

Sa kanyang welcome remarks, binigyang-diin ni Eliza R. Ayran, pangulo ng CCES, ang kahalagahan ng mga ganitong pagtitipon upang mailapit sa mga guro ang mahahalagang usapin na may kinalaman sa kanilang karapatan, sahod, at kundisyon sa trabaho.

Pinangunahan naman ni ACT Region III Union President Amy Serdeña ang pagbubukas ng talakayan kung saan hinikayat niya ang mga guro na malayang ibahagi ang kanilang karanasan at mga kinakaharap na hamon sa sistema ng edukasyon.

Ayon sa kanya, mahalaga ang mga ganitong konsultasyon upang magsilbing gabay sa mga panukalang isinusulong sa Kongreso.

Nagbigay rin ng ulat si ACT Teachers Partylist Representative Antonio Tinio tungkol sa mga hakbang na ginagawa ng kanilang grupo sa lehislatura para sa kapakanan ng mga guro.

Kabilang sa kanyang tinalakay ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na may kaugnayan sa umiigting na tensyon sa Middle East, na aniya’y nagdudulot ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at lalong nagpapahirap sa kalagayan ng mga manggagawa, kabilang ang mga guro.

Tinalakay din niya ang usapin ng korapsyon sa pamahalaan na ayon sa kanya ay isa sa mga dahilan kung bakit madalas na sinasabing kulang ang badyet para sa makabuluhang pagtaas ng sahod ng mga guro at iba pang kawani ng gobyerno.

Isa sa mga naging pangunahing paksa ng konsultasyon ang Enhanced Career Progression (ECP) na inilarawan ng ilang guro na pabago-bago ang patakaran. Ayon sa kanila, nagkaroon ng pagbabago sa Classroom Observation Tool (COT) matapos itong bawasan mula sa dalawang requirement tungo sa isa na lamang kasunod ng mga panawagan at pagkilos ng mga guro.

Napag-usapan din ang pabago-bagong implementasyon ng kurikulum kabilang ang MATATAG curriculum, gayundin ang mabigat na teaching load, dagdag na gawaing administratibo, at kakulangan ng sapat na suporta sa mga guro.

Sa usapin ng sahod at benepisyo, muling iginiit ang panawagan na itaas ang Personnel Economic Relief Allowance (PERA) mula sa kasalukuyang ₱2,000 patungong ₱5,000. Tinalakay rin ang panukalang pagbibigay ng overtime pay sa mga gurong lumalampas sa itinakdang oras ng trabaho at ang pagsusulong ng Teachers Protection Act.

Napag-usapan din ang ilang isyu na may kaugnayan sa Government Service Insurance System (GSIS), kabilang ang panukalang pagpapababa ng optional retirement age sa 56.

Bagama’t may nakatakdang pagdinig tungkol dito, sinabi ni Tinio na may pagtutol mula sa pamunuan ng GSIS dahil sa pangamba na maraming kawani ang maaaring magretiro.

Bilang alternatibo, iminungkahi ng ilang guro ang pagpapatupad ng staggered retirement age tulad ng 58 o 59 upang hindi mabigla ang sistema. Pinuri ni Tinio ang mungkahing ito at sinabing isa itong praktikal na ideya mula mismo sa hanay ng mga guro.

Sa open forum, naglatag din ng ilang panukala ang mga guro kabilang ang paghahain ng petisyon para sa Lowering of Retirement Age (LORA) at ang mungkahi na ma-convert bilang service credit ang wellness leave kung hindi ito nagagamit.

Sa pagtatapos ng konsultasyon, hinikayat ni Cong. Tinio ang mga guro na patuloy na magkaisa at makibahagi sa mga inisyatiba upang maipaglaban ang mas mataas na sahod, sapat na pondo para sa edukasyon, at mas makatarungang sistema para sa mga guro. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C SANTOS)

Leave a comment