Ang Pahayagan

KGMI NAGSAGAWA NG COASTAL CLEAN-UP DRIVE

OLONGAPO CITY– Nagsagawa ng coastal clean-up drive ang Kazama Grameen Micro Finance Inc. (KGMI) sa Driftwood Beach, Barangay Barretto, Olongapo City nitong Biyernes, Marso 13, 2026, bilang bahagi ng kanilang adbokasiya sa pangangalaga ng kalikasan.

Ang naturang aktibidad ay isinagawa bilang bahagi ng paggunita sa nalalapit na ika-35 anibersaryo ng programa ng KGMI sa industriya ng microfinancing. Layunin nitong hikayatin ang mga kawani at miyembro ng organisasyon na maging aktibo sa mga gawaing pangkalikasan at mapanatili ang kalinisan ng mga baybayin.

Pinangunahan ng mga kawani mula sa punong tanggapan ng KGMI ang clean-up drive katuwang ang mga empleyado mula sa iba’t ibang sangay ng organisasyon, gayundin ang ilang miyembro at boluntaryo.

Sama-sama nilang nilinis ang bahagi ng dalampasigan at nangolekta ng mga basura tulad ng plastik, bote, at iba pang uri ng solid waste na maaaring makasira sa yamang-dagat.

Ayon sa pamunuan ng KGMI, mahalagang makiisa ang bawat isa sa pangangalaga sa kapaligiran, lalo na sa mga baybaying-dagat na nagsisilbing tirahan ng iba’t ibang yamang-dagat at mahalagang bahagi ng turismo sa lungsod ng Olongapo.

Sa pamamagitan ng naturang coastal clean-up drive, ipinakita ng KGMI ang kanilang patuloy na suporta sa mga programang pangkalikasan kasabay ng kanilang misyon na magbigay ng serbisyong pinansyal sa komunidad. Inaasahan din na magsisilbi itong inspirasyon sa iba pang organisasyon at mamamayan na makiisa sa mga gawaing naglalayong pangalagaan ang kalikasan. (Ulat at kuhang larawan para sa Ang Pahayagan /  MITCH C. SANTOS)

Leave a comment