Ang Pahayagan

Cayetano: Mahalagang hakbang ang pag-certify ni Marcos sa fuel excise tax relief bill

Malugod na tinanggap ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang desisyon ni President Ferdinand Marcos Jr. na i-certify as urgent ang House Bill No. 8418 na magpapahintulot sa pansamantalang pagsuspinde o pagbabawas ng excise tax sa fuel kapag tumataas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ayon sa Minority Leader, mahalagang hakbang ito lalo na ngayong tumataas ang presyo ng langis dahil sa tensyon sa Middle East.

Ipinaliwanag ni Cayetano na pareho ang layunin ng panukalang inaprubahan ng Kamara at ng Senate Bill No. 1927 na inihain niya kasama si Senator Pia Cayetano.

Layunin ng mga panukalang ito na magkaroon ng mabilis na tugon ang gobyerno kapag may international tension na nagtutulak sa pagtaas ng presyo ng langis at direktang nakakaapekto sa kabuhayan ng mga Pilipino.

“Let’s not miss opportunities. I don’t think there’s a problem that we expect the worst or prepare for the worst. Pagka inubo ang Middle East, nagkakahika ang buong mundo,” wika ni Cayetano.

Sa ilalim ng House Bill No. 8418, maaaring ipasuspinde o ipababa ng Pangulo ang excise tax sa mga produktong petrolyo sa loob ng anim na buwan. Ang kapangyarihang ito ay maaari lamang gamitin hanggang December 31, 2028.

Samantala, may hiwalay na mekanismo ang panukala sa Senado. Nakasaad sa Senate Bill No. 1927 na maaaring awtomatikong suspindihin o bawasan ang excise tax kapag umabot sa kritikal na antas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Inaamyendahan ng Senate Bill na ito ang Section 148 ng National Internal Revenue Code of 1997, na binago ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law o TRAIN Law.

Sa ilalim ng panukala, maaaring maglabas ng executive order ang Pangulo upang suspindihin o bawasan ang excise tax kapag ang average na presyo ng Dubai crude oil, batay sa Mean of Platts Singapore, ay umabot sa US80 dollars kada bariles sa loob ng isang buwan. Kakailanganin din ang rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).

Awtomatiko namang ibabalik ang excise tax kapag bumaba na muli ang presyo ng langis sa ibaba ng itinakdang antas.

Sa paliwanag ng magkapatid na Cayetano sa panukala, lumalala ang instability sa mga pangunahing bansang nagpo-produce ng langis sa Middle East tulad ng Saudi Arabia, Iran, Iraq, Kuwait, Qatar, at United Arab Emirates.

Binigyang diin nila na ang mga tumitinding pag-atake sa rehiyon ay nagbabanta sa supply ng enerhiya sa buong mundo.

“These developments demonstrate the need for a responsive mechanism that authorizes the suspension of excise taxes on fuel whenever extraordinary events or external shocks significantly disrupt global oil prices,” paliwanag ng magkapati na Cayetano sa kanilang explanatory note.

Dagdag pa nila, makatutulong ang ganitong mekanismo upang mas mabilis na makakilos ang gobyerno laban sa pagtaas ng presyo ng bilihin at mabawasan ang pasanin ng mga mamimili, nang hindi na kailangang maghintay ng panibagong batas mula sa Kongreso tuwing sumisipa ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. (PR)

Leave a comment