Ang Pahayagan

PHILHEALTH GAMOT PROGRAM, PORMAL NANG INILUNSAD SA SAN MARCELINO DISTRICT HOSPITAL

ZAMBALES — Pormal nang inilunsad ang PhilHealth GAMOT (Guaranteed Accessible Medications for Outpatient Treatment) Program sa San Marcelino District Hospital (SMDH) sa Brgy. Linusungan, San Marcelino, Zambales nitong Marso 12, 2026, na naglalayong mapalawak ang access ng mga mamamayan sa kinakailangang gamot para sa outpatient treatment.

Pinangunahan ang programa ng mga opisyal mula sa Department of Health (DOH), PhilHealth, at pamahalaang panlalawigan ng Zambales.

Sa pagbubukas ng aktibidad, nagbigay ng welcome address si Dr. Cresencio T. Gonzales Jr., Chief of Hospital II ng SMDH. Nagbahagi rin ng mga mensahe ang ilang opisyal kabilang sina DOH Region III Director Dr. Corazon I. Flores, PhilHealth Regional Vice President Atty. Ma. Emily P. Roque, at PhilHealth Acting Branch Manager Dr. Rowena S. Zabat-San Mateo, na binigyang-diin ang kahalagahan ng programang magbibigay ng mas madaling access sa mga gamot para sa mga pasyente.

Panauhing pandangal rito si Zambales Boardmember Jun Rundstedt Ebdane na kumatawan kay Zambales Governor Hermogenes E. Ebdane Jr. na nagbigay ng pahayag ng suporta para sa naturang programang pangkalusugan.

Kasama sa mga aktibidad ang paggawad ng Certificate of Accreditation sa San Marcelino District Hospital, paglalantad at pag-iilaw ng PhilHealth YAKAP signage, at ang aktuwal na pagreseta at pamamahagi ng gamot gamit ang GAMOT App.

Sa pamamagitan ng programang ito, inaasahang mas mapapadali ang pagkuha ng mga kinakailangang gamot ng mga miyembro ng PhilHealth at mas mapapalakas ang serbisyong pangkalusugan sa lalawigan ng Zambales.

Layunin ng PhilHealth GAMOT Program na mapadali ang pagkuha ng kinakailangang gamot ng mga miyembro ng PhilHealth para sa outpatient treatment, alinsunod sa adhikaing “Lunas na Gamot, Yakap sa Bawat Pilipino, sa Bawat Zambaleño.” (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)

Leave a comment