Ang Pahayagan

Staggered Oil Price Hike at Oil VAT, tinutulan ng BAYAN-GL

TARLAC– Nagpahayag ang grupong Bayan–Gitnang Luzon (BAYAN-GL) ng kanilang pagtutol sa ipinatutupad na staggered oil price hikes, na ayon sa kanila ay hindi solusyon sa tumitinding epekto ng pandaigdigang krisis sa langis na dulot ng tensyon at digmaan sa pagitan ng US-Israel at Iran.

Ayon kay Pol Viuya, chairperson ng BAYAN Gitnang Luzon, sa kabila ng unti-unting pagtaas ng presyo, ang mga mamamayan pa rin ang pangunahing naaapektuhan ng sunod-sunod at malalaking oil price hike.

Nagdudulot aniya ito ng pagtaas sa pamasahe, presyo ng pagkain, kuryente at iba pang batayang serbisyo.

“Hindi dapat ipaubaya lamang sa galaw ng merkado ang pagtatakda ng presyo ng langis dahil isa itong mahalagang estratehikong yaman na may direktang epekto sa pambansang seguridad at pang-araw-araw na kabuhayan ng mamamayan,”ani Viuya.

Tungkulin aniya ng pamahalaan na tiyaking may sapat na regulasyon upang maprotektahan ang publiko laban sa labis at hindi makatarungang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Iginiit din ng grupo na habang patuloy na naghihirap ang taumbayan, patuloy namang kumikita ng malaki ang mga kumpanya ng langis at nakokolektahan pa ng gobyerno ng bilyong piso mula sa 12% Value-Added Tax (VAT) at excise tax sa mga produktong petrolyo.

Nanawagan din ang BAYAN-GL na ibasura ang Oil VAT at alisin ang pabigat na buwis sa langis upang mabawasan ang pasanin ng publiko. Iginiit pa nila ang panawagan na ibasura ang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998, na umano’y nagbigay-daan sa malayang pagtatakda ng presyo ng mga kumpanya ng langis. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)

Leave a comment