Ang Pahayagan

KONSULTASYON NG MGA GURO SA TARLAC, ITINULAK ANG ₱50K MINIMUN SALARY AT REPORMA SA WORKLOAD

TARLAC — Nanawagan ang mga guro ng pagtaas ng sahod hanggang ₱50,000 minimum salary at pagbabawas sa kanilang workload sa isinagawang konsultasyon kasama si ACT Teachers Partylist Representative Antonio Tinio sa lalawigan ng Tarlac.

Sa naturang pagtitipon, tinalakay ang iba’t ibang suliraning kinakaharap ng mga guro, kabilang ang lumalaking bilang ng mga non-teaching tasks na umano’y nagpapabigat sa kanilang trabaho.

Ayon kay Tinio, kabilang sa mga gawaing ipinapasan sa mga guro ang pagpapatupad ng ARAL Program, disaster risk reduction management (DRRM) activities, feeding program, Classroom Observation Tool (COT) demonstrations, at ang paghahanda ng napakaraming Means of Verification (MOVs) na kailangan sa ilalim ng Enhanced Career Progression (ECP).

Ibinahagi rin ng mga guro ang kanilang mga hinaing hinggil sa patuloy na requirement ng teaching demonstrations at interviews para sa promosyon kahit matagal na silang nasa serbisyo. Anila, sa halip na makatulong sa kanilang propesyonal na pag-unlad ay nagiging dagdag pa ito sa kanilang stress at trabaho.

Tinalakay din sa konsultasyon ang epekto ng implementasyon ng MATATAG curriculum kung saan nadagdagan ang teaching load ng mga guro kasabay ng pagdami ng administrative tasks.

Ipinaliwanag naman ni Tinio ang usapin sa pambansang badyet at iginiit na may kakayahan ang pamahalaan na pondohan ang pagtaas ng sahod ng mga guro kung bibigyan ng mas mataas na prayoridad ang sektor ng edukasyon.

Sa open forum, ibinahagi rin ng mga guro ang iba pang problemang kanilang nararanasan tulad ng sariling paggastos para sa internet at kagamitan sa pagtuturo, kakulangan sa service credits, mga isyu sa promosyon sa ilalim ng ECP, at ang kalidad ng mga laptop na ginagamit sa kanilang trabaho.

Samantala, sinabi ni ACT Region III President Amy Serdeña na patuloy ang kanilang kampanya para sa pagtaas ng sahod ng mga guro at pagtaas ng Personnel Economic Relief Allowance (PERA). Inihain din ang panukalang modernisasyon ng record maintenance ng mga paaralan sa pamamagitan ng paperless system upang mabawasan ang labis na paperwork. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)

Leave a comment