Nabulaga ang mga motorista sa biglaang fuel price increase ngayong araw ng Sabado, Marso 7.
Naglalaro ito, partikular sa diesel na karaniwang gamit sa mga pampublikong transportasyon sa halagang P62 hanggang P70 mula sa halagang P50 lamang noong Lunes.
Tiyak na mapapakamot ulo na lamang ang isang tsuper dahilan sa halos lalamunin lamang ng kanyang tangke ng diesel ang kinita sa maghapong pamamasada.
Napapanahon nang pag-isipan ng mga nasa sektor ng transportasyon na palitan ang kanilang mga yunit mula sa makinang kumbinsyunal na gumagamit ng krudo tungo sa mga modernong pinatatakbo ng kuryente.
Napapanahon na pagtuonan naman ng pansin ng mga nanunungkulan na maibsan ang trapiko na isang simpleng dahilan upang mawaldas ang krudo habang naka-ipit sa trapik ang mga sasakyan.
Tulad na lamang ng magkasunod na kaganapan sa zigzag area ng National Highway sa siyudad ng Olongapo nitong unang linggo ng Marso.
Sa unang insidente ay ang banggaan ng SUV at dumptruck noong Marso 2 sa Samba Beach na bagamat madali naman na naitabi ang mga sangkot na sasakyan ay grabe naman ang naging epekto nitong trapik. Nakapandamay ito sa pagtirik isang cement mixer truck malapit sa Adamos 101 Beach na sinabayan din ng pagtirik ng isa pang passenger van.
Ang resulta, naperwisyo ng todo ay ang mga pauwing empleyado sa Zambales mula sa Subic Bay Freeport.
Ganito din ang senaryo noong Marso 6 nang may malaglag na SUV pick-up sa malalim na kanal malapit pa rin sa Adamos 101 Beach.
Hindi naman sagabal sa trapiko ang kinalalagyan ng nalaglag na pick-up truck subalit nang kunin ito mula sa kinahulugan ay nataon naman sa rush hour na uwian na naman ng mga trabahador.
Ang resulta, umabot sa isang oras na biyahe para lamang sa tatlong kilometrong lakbayin bago malagpasan ang lugar kung saan kinukuha ang nalaglag na SUV pick-up.
Maging mga pasahero sa kahabaan ng Barangay Baretto hanggang sa munisipalidad ng Subic ay na-ipon dahil sa kawalan ng masasakyang pampublikong sasakyan dahil naipit ang mga ito sa trapiko diyan sa Olongapo.
Dito nagtatanong na ang mga motorista kung bakit kelangan itaon ang pagkuha sa nagka-aberyang sasakyan panahon ng rush hour.
Bakit hindi man lang naisip ng pamunuan ng Olongapo City Traffic Management and Public Safety (OMTPS) na pwede naman isagawa ang retrieval operation na hindi isabay sa rush hour.
Sa panahon ngayon ng krisis, dapat may ambag ang lahat, kasama rito ang OMTPS ng Olongapo. Ang inyong mga aksyon ay repleksyon ng inyong pamunuan. Simpleng bagay lamang ang mga nabanggit pero malaking bagay sa mamamayan lalo na ngayon ang lahat ay apektado ng krisis.


Leave a comment