Ang Pahayagan

Cayetano suportado ang panukala para sa kaligtasan ng mga bata sa mga pasyalan

Nilagdaan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules ang Senate Bill No. 1926 sa ilalim ng Committee Report No. 39 na nag-eendorso sa panukalang “Child Tourist Safety Act” o “Sandy’s Act.”

Layunin ng panukala na obligahin ang mga tourism establishment na magpatupad ng mandatory emergency at risk mitigation plans upang maprotektahan ang mga bata at iba pang turista.

“There’s no better gift to people than the Lord’s gift of children. It is our duty to protect them wherever they are,” sabi ni Cayetano.

Nabuo ang panukala matapos ang trahedya ni Sandy Garovillas, isang batang nasawi noong October 2023 dahil sa jellyfish sting sa isang resort at hindi agad nabigyan ng tamang medikal na atensyon.

Ipinakita ng insidente ang kakulangan sa paghahanda ng ilang pasyalan sa pagresponde sa emergency, lalo na kung menor de edad ang biktima.

Sa ilalim ng “Sandy’s Act,” kailangang maglatag at magpatupad ang lahat ng tourism-related establishments na tumatanggap ng mga bata, may akreditasyon man o wala, ng isang Tourism Emergency and Risk Mitigation Plan.

Dapat tiyakin ng planong ito ang sapat at naaangkop na access sa serbisyong medikal at pang-emergency. Kabilang din dito ang proteksyon laban sa mga panganib tulad ng marine hazards, pagkalunod, pang-aabuso, exploitation, at human trafficking.

Saklaw din ng panukala ang mga pampublikong pasyalan gaya ng mga dalampasigan, waterfalls, at natural parks. Pananagutan ang mga ito ng kani-kanilang lokal na pamahalaan.

Inaatasan din ng panukala ang ilang ahensya ng pamahalaan na sama-samang bumuo at magpanatili ng taunang Tourist Safety Risk Map na magtutukoy sa mga lugar na may banta at panganib sa mga turista, lalo na sa mga bata.

Kabilang sa mga ahensyang ito ang Department of Tourism, Department of Health, Department of Environment and Natural Resources, Department of the Interior and Local Government, Council for the Welfare of Children, at Philippine Statistics Authority.

Sa oras na maisabatas, inaasahang magtatakda ang panukala ng mas malinaw na pamantayan sa kaligtasan sa mga pasyalan upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya at masiguro ang proteksyon ng mga batang turista. (PR)

Leave a comment