Ang Pahayagan

KOLUM | PUNTO: ISYU PO KASI ‘YAN AT HINDI DAPAT ITAGO

Ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang pangunahing ahensiya ng pamahalaan na nangangasiwa sa Subic Bay Freeport Zone—isang mahalagang sentro ng kalakalan, turismo, at pamumuhunan sa bansa. Mula nang ito’y maging dating base militar ng mga Amerikano hanggang sa maging freeport zone, nakasalalay sa pamunuan nito ang pagpapanatili ng kaayusan, seguridad, at patuloy na pag-unlad ng ekonomiya sa lugar.

Kasama sa tungkulin ng mga namamahala sa SBMA ang tiyaking napapanatili ang tiwala ng mga mamumuhunan, turista, at publiko. Ngunit hindi lamang pamunuan ang may papel dito. Malaki rin ang responsibilidad ng media o mamamahayag na nagsisilbing tagapaghatid ng impormasyon sa mamamayan—lalo na sa mga nangyayari sa loob at paligid ng Freeport.
Sa kabila nito, tila may pagbabagong nagaganap sa daloy ng impormasyon. Kapag magaganda at positibong balita ang usapan—mga bagong proyekto, pamumuhunan, at tagumpay—bukas ang mga pinto para sa media.

Ngunit kapag may mga seryosong pangyayari gaya ng mga raid laban sa katiwalian o sensitibong insidente, tila napag-iiwanan ang mga lokal na mamamahayag. Minsan pa nga, mas nauuna pang makarating ang impormasyon sa mga national media kaysa sa mga lokal na matagal nang nagbabantay sa lugar.

Kaya ang tanong: Ano ba talaga ang patakaran?
Isa sa mga pinakahuling pangyayari ang pagkamatay ng isang Korean national sa loob ng SBMA, na ayon sa ulat ay nagbigti. Sa pagkakataong ito, nagkaroon umano ng news blackout.

Ipinaliwanag na kahilingan daw ito ng pamilya ng biktima na huwag nang palakihin ang isyu dahil umano sa personal na pinagdadaanan ng kanilang anak, partikular sa usaping mental health.

Makatao ang paggalang sa kahilingan ng pamilya. Ngunit sa kabilang banda, hindi rin maitatanggi na balita pa rin ito—isang pangyayaring naganap sa loob ng isang mahalagang economic zone ng bansa.

Maari namang ilahad ang ganitong uri ng balita sa maingat at responsableng paraan, nang hindi sinasagasaan ang dignidad ng pamilya o ang sensitibong detalye ng insidente.

Dahil gaya nga ng aking sinabi:
“Isyu po kasi ‘yan at hindi dapat itago. Madali naman ‘yan sagutin—ilang lang naman kayong tagapagsalita diyan: isa, dalawa, tatlo.”

Isa pa sa mga tanong ng mga mamamahayag ay ang tungkol sa LED o mga tagapagsalita ng ilang ahensiya.

Paminsan-minsan, nais din naming marinig ang kanilang boses—ang kanilang opisyal na paliwanag. Ngunit may mga pagkakataon na tila hindi sila maaaring magsalita nang walang pahintulot mula sa mas mataas na opisina.

Kung ganito ang sitwasyon, mapapaisip ka tuloy:
Ano ba talaga ang kanilang papel? Tagapagsalita ba o palamuti lamang sa opisina?
Sa isang demokratikong lipunan, mahalaga ang malayang daloy ng impormasyon. Hindi upang manira o magpalaki ng isyu, kundi upang tiyakin na may transparency at pananagutan ang mga institusyon.

At bago magtapos ang kolum na ito, may isa pang tanong na matagal nang nais marinig ng marami:
Kamusta na po pala ang mga katutubo sa loob ng Freeport?
Sa gitna ng pag-unlad, pamumuhunan, at modernisasyon, sana’y hindi natin nakakalimutan ang mga unang nanirahan at tunay na may ugat sa lupaing ito.

Dahil ang tunay na kaunlaran ay hindi lamang nasusukat sa gusali, negosyo, o kita—kundi sa kung paano natin pinahahalagahan ang katotohanan, ang mamamayan, at ang kasaysayan ng lugar.

Leave a comment