OLONGAPO CITY — Isang makabuluhang egress ang matagumpay na isinagawa bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Alagad ng Sining sa Gana Cafe noong nakalipas na Pebrero 28, 2026, tampok ang temang “Pag-Usbong” na sumisimbolo sa patuloy na paglago at pagyabong ng sining at kultura sa lokal na komunidad.
Pinangunahan ng mga lokal na alagad ng sining at kabataang artista ang pagtitipon na naglalayong ipakita ang kahalagahan ng malikhaing pagpapahayag bilang instrumento ng pagkakaisa at paghubog ng identidad ng lungsod.
Naging sentro ng aktibidad ang iba’t ibang anyo ng sining tulad ng live painting, art exhibit, at malikhaing pagtatanghal na nagbigay-buhay sa diwa ng pagkamalikhain at pakikipagtulungan.

Nabigyan din ng pagkakataon na makapag- bahagi ng kanilang natatanging karanasan ang mga ang ilang mga magulang ng partisipante at lokal na artistang naging kabahagi ng Pag-usbong.
Makikita sa lugar ang makukulay na likhang-sining na sumasalamin sa temang “Pag-Usbong” — mga obrang naglalarawan ng pag-asa, pagbabago, at kolektibong pagbangon.
Ayon sa mga organizer, layunin ng programa na mabigyan ng plataporma ang mga lokal na artista upang maipamalas ang kanilang talento at maitaguyod ang sining bilang mahalagang bahagi ng panlipunang pag-unlad. Bukod sa eksibit, naging daan din ang pagtitipon upang mapalakas ang ugnayan ng mga artista, negosyante, at komunidad.

Ang Gana Cafe ay nagsilbing ligtas at bukas na espasyo para sa malayang talakayan, pagpapalitan ng ideya, at pagbuo ng mga susunod pang kolaborasyon sa larangan ng sining.
Sa kabuuan, ang egress ng “Pag-Usbong” ay hindi lamang simpleng pagtatapos ng isang programa kundi simbolo ng bagong yugto ng mas masigla at mas inklusibong komunidad ng sining sa Olongapo. Pinatunayan ng aktibidad na sa bawat pagtitipon at malikhaing pagsisikap, patuloy na umuusbong ang talento at diwa ng pagiging alagad ng sining. (Ulat at mga larawan para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)


Leave a comment