Ang Pahayagan

AO 35 IPINAKILALA SA GITNANG LUZON SA PAMAMAGITAN NG MULTI-SECTORAL DIALOGO

SUBIC BAY FREEPORT–Isinagawa para sa iba’t-ibang sektor ng Gitnang Luzon ang isang dayalogo na pinangunahan ng Commission on Human Rights (CHR) upang ipresenta at ipaliwanag ang Administrative Order (AO) 35.

Ang nasabing dayalogo ay ginanap sa Seorable Hotel sa Subic Bay Freeport kung saan dinaluhan ang aktibidad ng mga kinatawan mula sa non-government organizations (NGOs), media practitioners, kapulisan, at iba pang civil society organizations (CSOs), bilang bahagi ng pagpapalakas ng koordinasyon at kamalayan hinggil sa nasabing kautusan.

Sa presentasyon, ipinaliwanag ng CHR ang nilalaman ng AO 35, kabilang ang layunin nitong paigtingin ang imbestigasyon at pag-usig sa mga kaso ng extrajudicial killings, enforced disappearances, torture, at iba pang malubhang paglabag sa karapatang pantao. Binigyang-diin din ang kahalagahan nito sa pagsusulong ng pananagutan, katarungan, at proteksyon sa karapatang pantao.

Ayon sa mga tagapagsalita, mahalaga ang pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensiya at sektor upang matiyak ang epektibong implementasyon ng AO 35. Ang dayalogo ay nagsilbing plataporma upang magbahagi ng pananaw, karanasan, at mungkahi ang mga kalahok tungo sa mas pinatibay na mekanismo sa pagprotekta sa karapatang pantao.

“Ang mandato ng inter agency ay mapanagot ang mga may sala sa paglabag sa karapatan  pantao,” pagdidiin ni  AO35 secretariat head ASP Gino Paolo S. Santiago.

Ipinahayag ng CHR ang kanilang patuloy na pangako na palakasin ang pakikipag-ugnayan sa mga stakeholder upang maisulong ang hustisya at mapanatili ang dignidad ng bawat mamamayan. (Ulat at kuhang larawan ni MITCH C. SANTOS)

Leave a comment