ZAMBALES — Nagpapasaklolo ngayon ang dalawampu’t-dalawang (22) magsasaka makaraang i-demolis ng kanilang mga bahay mula sa lupang matagal na umano nilang nililinang sa Purok 3, Barangay Balaybay sa bayan ng Castillejos.
Ayon sa mga pahayag sa media ni Edilberto Tomas, tumatayong tagapagsalita at pangulo ng grupong Buklurang Magbubukid ng Balaybay Castillejos, ang 21 ektaryang lupain umano ay kanilang pinagyayaman mula pa noong 1934.
Subalit nitong Lunes, Pebrero 23 ay may dumating na pangkat na pinamumunuan ng isang nagpakilalang sheriff kasama ang demolition team upang ipatupad umano ang demolition order mula sa korte.
“Nagulat ako dahil nagluluto ako ng pananghalian para sa mga darating na estudyante, biglang dumating ang mga maggigiba ng aming bahay,” malungkot na sambit ni Antonio Madriaga na nakapanayam ng Ang Pahayagan.
Ani pa nito, ang kanilang lupa ay nilinang pa ng kanilang mga lolo at lola na naipasa sa kanyang mga magulang hanggang sa kasalukuyang sila na ang umuokupa sa lugar.
Iginiit din niya na saklaw umano ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) ang pinagtatalunang lupain.
Napag-alaman pa na matapos ang pagsabog ng bulkang Pinatubo noong 1991 ay inanunsyo ng noo’y gobernador ng lalawigan na si Amor Deloso na ibinigay sa kanila ang nasabing mga lupain.

Sa kasalukuyan ay binabantayan na ang naturang lupain ng mga armadong security guard at binigyan na lamang ng takdang araw ang mga residente upang maghakot ng gamit na maisasalba mula sa ginibang mga bahay.
Ang mga bahay na naumpisahan nang magiba ay nilagyan ng mga streamer na nagsasaad ng “NO TRESPASSING Re: Civil Case No: 2021-0-42 RTC BRANCH 74 OLONGAPO CITY.”
Ang samahan ng magsasaka naman sa kasalukuyan ay humihiling sa DAR at sa Zambales Provincial Government na mamagitan upang pansamantalang matigil ang demolisyon at mabigyang-daan ang pag-uusap upang anila makahanap ng makatarungan at kapaki-pakinabang na solusyon hinggil sa usapin. (Pinagsamang ulat para sa Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING at MITCH SANTOS)
📸 Nasa itaas na larawan na kusa nang kinukuha ng mga apektadong residente ang mapapakinabangan mula sa mga dinemolis na bahay upang gamitin sa kanilang lilipatang lugar. (JUN DUMAGUING)


Leave a comment