ZAMBALES– Matagumpay na isinagawa ang Groundbreaking Ceremony nitong Biyernes, Pebrero 20, para sa itatayong bagong kampo ng 69th Infantry (Cougar) Battalion, Philippine Army sa Barangay San Juan, Botolan, Zambales.
Ang nasabing proyekto ay bunga ng matibay at nagkakaisang suporta ng Lokal na Pamahalaan ng lalawigan ng Zambales, pamahalaang lokal ng bayan ng Botolan, DPWH Region 3, PENRO Zambales at Opisina ng Ikalawang Distrito ng Zambales, kasama ang iba’t ibang sektor ng komunidad.
Ang proyekto ay dedikado at inspirasyon mula sa kabayanihan at dakilang sakripisyo ng mga bayaning anak ng Botolan, na sina 1LT Francis Villanueva, piloto ng Philippine Air Force na nag-alay ng buhay noong Mayo 1992 sa Kalinga-Apayao, at Private First-Class Peter John Villanueva, na pumanaw habang nagsisilbi sa 81st Infantry (Spartan) Battalion sa lalawigan ng Ilocos Sur noong 2017.
Ang kanilang kabayanihan ang nagbigay inspirasyon sa komunidad at sa Philippine Army na maisakatuparan ang pagtatayo ng mga pasilidad, bilang pagkilala sa kanilang walang kapantay na paglilingkod para sa bayan. Ipinapakita rin nito ang matatag na samahan ng militar at mamamayan sa pagpapanatili ng seguridad at kaunlaran sa Botolan at sa buong lalawigang Zambales.


Leave a comment