ZAMBALES —Yumanig sa mga tao rito ang nakababahalang kaso ng kalupitan sa hayop matapos mai-ulat ang umano’y pagkalason sa mga alagang pusa ng isang residente sa Barangay Mangan Vaca, Subic.
Ayon kay Ann Patalinhug, walo sa kanyang mga alagang pusa na pawang mga half-breed ang hinihinala niyang nilason, kung saan tatlo sa mga ito ang naisalba, habang lima ang tuluyang namatay.
“Sa walong pusa ko na may indikasyong nalason, lima ang binawian ng buhay at hindi ko naisalba. Napakabigat sa pakiramdam dahil wala kaming maiturong suspek — walang nakakita at walang CCTV sa lugar. Kung susuriin, pare-pareho ang indikasyon: nagsuka sila ng tila kakaibang kemikal, sabay-sabay na nangisay at nawalan ng buhay,” ani Patalinhug.
Ang naturang pangyayari ay mariing kinondena ng mga tagapagtaguyod ng kapakanan ng hayop at mga opisyal ng barangay.
Kabilang sa tumugon sa insidente ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) advocate na si Susan M. Espinosa gayundin si Mangan-vaca Council member Roger Briones, at mga kawani ng nasabing barangay.
Ipinahayag nila ang matinding pagkabahala sa nangyari at binigyang-diin na ang ganitong uri ng kalupitan ay may kaparusahan sa ilalim ng Animal Welfare Act of the Philippines, na mahigpit na nagbabawal sa pagmamalupit at pagpatay sa mga hayop.
“Hindi lamang ito tungkol sa mga alagang pusa; ito ay tungkol sa malasakit at pananagutan bilang isang komunidad. Dapat tiyakin na makakamtan ang hustisya at mapangalagaan ang ating mga hayop,” pahayag ni Espinosa
Nanawagan ang mga opisyal ng barangay sa mga residente na maging mapagmatyag at agad iulat ang anumang impormasyon na makatutulong upang matukoy ang responsible sa pagpatay sa mga pusa.
Binigyang-diin nila ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos upang maiwasan ang kahalintulad na insidente at mapalaganap ang kultura ng pag-aaruga at paggalang sa mga hayop.
Hinimok ang sinumang may kaalaman sa insidente na lumantad at makipagtulungan sa mga awtoridad. (Ulat ni MITCH C. SANTOS)


Leave a comment