Ang Pahayagan

Singkamas Festival 2026 sinimulan sa pamamagitan ng Agri Trade Fair Cum Kadiwa ng Pangulo caravan

ZAMBALES– Pormal nang nag-umpisa ang Singkamas Festival 2026 sa pamamagitan ng isang trade fair at Kadiwa ng Pangulo caravan na ginanap nitong Martes, Pebrero 17 sa San Marcelino Plazuela, ng bayan ng San Marcelino, Zambales.

Sinimulan ang Agri Trade Fair Cum Kadiwa ng Pangulo caravan sa pamamagitan ng isang misa na ay kaagad sinundan agricultural product display at micro-small-medium enterprises (MSME’s) exhibit fair.

Sa naturang trade fair at Kadiwa, mabibili ang murang mga produkto tulad ng gulay, itlog at maging ang bente (P20) kada kilo ng bigas.

Sa maikling pananalita ni Sangguniang Bayan Councilor Jose “King” Guttierrez na siya rin Committee Chairman on Agriculture, buong pagmamalaking tinuran nito na prayoridad nilang trinabaho sa konseho na ma-institutionalized sa kanilang munisipalidad ang Kadiwa ng Pangulo sa pamamagitan ng pagpasa ng isang ordinansa.

“Ang ibig sabihin po nito, magkakaroon na ng basis kung saan tayo kukuha ng pondo para dito at maglalaan bawat taon ang lokal na pamahalaan para sa Kadiwa ng Pangulo,” paliwanag ni Guttierez.

Sa pormal na pagbukas sa aktibidad, sinabi ni SB Councilor at Tourism and Trade & Industry Committee Chairperson Louella Aquino na labis ang kanyang kagalakan dahilan sa napakaraming lumahok na exhibitor sa kanilang trade fair.

Isang mensahe din ang ipinarating ni Deparment of Trade and Industry (DTI)-Zambales Provincial head Enrique Tacbad kung saan kanyang hinikayat ang mga taga San Marcelino na pagtangkilik sa proyektong Kadiwa ng Pangulo .

“Patuloy po tayong kumilos para sa programang Kadiwa upang matiyak ang sapat, de kalidad at abot kayang pagkain, habang pinapataas ang kita ng mga mangingisda at magsasakang kababayan,” saad sa kanyang mensahe na binasa ni DTI Negosyo Center Councilor Katherine Dizon. (Ulat ni JUN DUMAGUING)

TOP 📸:Nasa larawan habang tinitingnan ni San Marcelino Sangguniang Bayan Councilor at Tourism and Trade & Industry Committee Chairperson Louella Aquino ang ilang produktong itinanghal sa Agri Trade Fair Cum Kadiwa ng Pangulo Caravan habang nakaasiste sa kanya si DTI Negosyo Center Councilor Katherine Dizon. (Mga larawang kuha naman ni MARTI DUMAGUING)

Leave a comment