Ang Pahayagan

4 NA MANGINGISDANG NAWAWALA, NATAGPUAN; ISA PATAY, ISA KRITIKAL  

MAYNILA–Natagpuan na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang apat na mangingisdang naiulat na nawawala matapos masiraan ng makina ang kanilang sinasakyang motorbanca habang nangingisda sa karagatan ng Ambil at Lubang Island noong Pebrero 9. 

Noong Pebrero 14, nasagip ang tatlo sa mga mangingisda habang palutang-lutang sa karagatan malapit sa Cabra Island, Lubang, Occidental Mindoro. Ayon sa PCG, nang matagpuan si Rodolfo C. Ularte, 58, labis na nanghihina at hirap na hirap nang huminga matapos ang anim na araw na pagkakalutang sa dagat. 

Kasama ring natagpuan ang dalawa pa nilang kasama na kapwa buhay, habang ang ikaapat ay nasawi na, pinaniniwalaang dulot ng matinding gutom, dehydration, at hirap na dinanas habang sila ay nawawala. 

Batay sa ulat, natagpuan ang grupo ng fishing boat na FBCA Carmen 4 bandang 12:10 ng tanghali, humigit-kumulang 103 nautical miles sa kanluran ng Cabra Island. Kaagad silang sinagip at inilipat sa BRP Cape San Agustin (MRRV-4409) upang dalhin sa Maynila at mabigyan ng agarang medikal na atensyon. 

Sa koordinasyon ng Coast Guard District Southern Tagalog, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, at Bureau of Quarantine, tiniyak ng PCG ang maayos na pag-aasikaso sa labi ng nasawing mangingisda alinsunod sa umiiral na mga protocol. 

Samantala, muling tiniyak ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil L. Gavan ang patuloy na pagtupad ng ahensya sa tungkuling pangalagaan ang kaligtasan at kabuhayan ng mga Pilipinong umaasa sa karagatan. 

Ang mabilis na responde ng PCG ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agarang tugunan ang mga insidente sa karagatan upang maprotektahan ang buhay ng mga mamamayan. (Ulat ni MITCH C. SANTOS / Larawan mula sa PCG)

Leave a comment