Ipinagdiwang ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ngayong Pebrero 13 ang ika-31 anibersaryo ng pagkakatatag nito bilang pangunahing ahensya ng pamahalaan na nangangasiwa sa pambansang segurong pangkalusugan.
Itinatag noong 1995 sa ilalim ng National Health Insurance Program, layunin ng ahensya na matiyak na may sapat at abot-kayang serbisyong medikal ang bawat Pilipino saan mang panig ng bansa.
Sa loob ng tatlong dekada, patuloy na pinalawak ng PhilHealth ang mga benepisyo nito, kabilang ang mas mataas na case rate packages, outpatient benefits, at mas malawak na saklaw para sa mga senior citizen, indigent members, at mga manggagawa sa pormal at impormal na sektor.
Sa ilalim ng Universal Health Care Act, higit pang pinagtibay ang mandato ng ahensya na awtomatikong maipasok sa programa ang lahat ng mamamayan upang matiyak ang mas inklusibong serbisyong pangkalusugan.
Ayon sa pamunuan ng PhilHealth, magpapatuloy ang reporma sa loob ng institusyon sa pamamagitan ng digitalization ng mga proseso, pagpapabilis ng claims processing, at pagpapalakas ng koordinasyon sa mga ospital at iba pang health care providers. Layunin nitong mabawasan ang out-of-pocket expenses ng mga pasyente at mapataas ang tiwala ng publiko sa sistema ng pambansang health insurance.

Nabatid naman kay Mark Daniel A Mauricio, Administrative Aide VI ng PhilHealth Olongapo Branch, bilang bahagi ng selebrasyon, inilunsad ang temang “Ka-YAKAP ang Pilipino sa Kalusugan Segurado” at nagsagawa ng PhilHealth Caravan sa iba’t ibang komunidad katuwang ang mga lokal na pamahalaan.
Sa pamamagitan ng mga aktibidad na ito, patuloy na inilalapit ng ahensya ang impormasyon hinggil sa mga benepisyo at programa nito hindi lamang sa mga lungsod kundi maging sa mga lalawigan sa buong bansa.
“Mula sa ika 19 ng Peb., ay sisimulan na natin dito sa Lunsod ng Olongapo ang Philhealth Caravan, iikot tayo sa lahat ng barangay para magsagawa ng konsultasyon at madala na rin natin ang programang YAKAP. Katuwang. Ang ilang mga doktor at ang ating LGU,” saad pa ni Mauricio.
“Eto ay programa hindi lamang dito sa lunsod ng Olongapo eto ay ating ring isasagawa maging sa mga karatig Bayan at buong Pilipinas dahil sa PhilHealth “YAKAP ang Pilipino sa Kalusugan Segurado,” pagdiriin naman ni Ralp Bernido, Social Insurance Officer 1. (Ulat at mga larawan kuha ni Mitch C. Santos)


Leave a comment