Ang Pahayagan

DEPED SEC. ANGARA, REP. KHONGHUN NAGPULONG UPANG TUTUKAN ANG KAKULANGAN NG MGA PAARALAN SA 1ST DISTRICT NG ZAMBALES

Nakipagpulong si Department of Education (DepEd) Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara kay House Deputy Speaker at 1st District Congressman Jay Khonghun kahapon sa Kongreso upang talakayin ang mga prayoridad na pangangailangan ng mga paaralan sa Unang Distrito ng Zambales.

Kabilang sa tinalakay sa isinagawang courtesy call ng kalihim, ang kakulangan sa mga silid-aralan, suporta para sa mga guro, kakulangan sa learning resources, at pagpapaunlad ng imprastraktura ng mga paaralan sa mga lugar ng Olongapo City, Subic, Castillejos, at San Marcelino.

Ayon kay Rep. Khonghun, naging produktibo ang kanilang dayalogo ni Sec. Angara at kapwa nila tiniyak ang mas pinaigting na koordinasyon upang matugunan ang mga agarang pangangailangan ng mga mag-aaral sa distrito.

“Education remains our strongest investment for the next generation,” pahayag ni Khonghun, na binigyang-diin ang kahalagahan ng de-kalidad, accessible at future-ready na edukasyon para sa bawat mag-aaral sa kanilang distrito.

Ipinahayag naman ni Sec. Angara ang kahandaan ng DepEd na tumulong sa pagpopondo ng mga kinakailangang proyekto sa pakikipagtulungan sa tanggapan ng kongresista upang masigurong mapaprioritize ang mga kakulangan sa mga paaralan sa unang distrito ng Zambales.

Sa kasalukuyan, patuloy na kinakaharap ng DepEd ang malaking kakulangan sa mga silid-aralan sa buong bansa , isang problemang matagal nang hamon sa sektor ng edukasyon.

Dahil dito, mahalaga ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga mambabatas upang mapabilis ang paglalaan ng pondo at pagpapatupad ng mga solusyon sa lokal na antas.

Tiniyak ng dalawang opisyal na hindi pababayaan ang mga paaralan sa Unang Distrito ng Zambales at patuloy na magsusulong ng mga programang magpapalakas sa kalidad ng edukasyon sa rehiyon. (PR)

Leave a comment