Ang Pahayagan

Php334,400 HALAGA NG ILIGAL NA SIGARILYO NASAMSAM SA OLONGAPO CITY 

OLONGAPO CITY — Matagumpay na nagsagawa ng operasyon ang Police Station 1 (PS1) ng Olongapo City Police Office (OCPO) laban sa bentahan at distribusyon ng iligal na sigarilyo, na nagresulta sa pagkakasamsam ng iba’t ibang tatak ng sigarilyo na may tinatayang kabuuang halagang ₱334,400.00. 

Ayon sa ulat ng pulisya, bandang alas-11:10 ng gabi nitong Lunes, Pebrero 9, 2026, nagsagawa ng pinagsanib na operasyon ang mga tauhan ng PS1, City Intelligence Unit–OCPO (CIU-OCPO), Olongapo City Mobile Force Company (OCMFC), at Regional Intelligence Division 3 (RID3), sa koordinasyon ni Agent Joseph Dizon ng Philippine Tobacco Institute (PTI) Regional Offices I at III. 

Sa nasabing operasyon, nasamsam ang sari-saring uri ng filtered cigarettes na lumabag sa Section 263-A ng National Internal Revenue Code of 1997. Kabilang sa mga nakumpiskang produkto ang sumusunod: 

Tatlong (3) master cases ng Modern – ₱140,000.00 

Isang (1) master case ng RGD – ₱40,000.00 

Dalawang (2) master cases ng Carnival – ₱80,000.00 

Dalawampu’t pitong (27) reams ng Fort – ₱21,600.00 

Labing-isang (11) reams ng RGD (126 packs) – ₱10,080.00 

Anim (6) na reams ng Playboy – ₱4,800.00 

Labinlimang (15) reams ng Twomoon – ₱12,000.00 

Tatlumpu’t apat (34) na reams ng H & P – ₱27,200.00 

Ang mga nakumpiskang sigarilyo ay dinala sa Police Station 1 para sa wastong dokumentasyon at imbentaryo, at kalaunan ay isusuko sa Philippine Tobacco Institute para sa naaangkop na disposisyon. 

Sa pahayag ng Olongapo City Police Office, muling iginiit ng kapulisan ang kanilang mahigpit na paninindigan laban sa iligal na kalakalan at ang patuloy na pagpapatupad ng mga batas sa buwis bilang suporta sa pangangalaga ng kita ng pamahalaan at sa kapakanan ng publiko. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)

📸 OCPO Station 1

Leave a comment