ZAMBALES—Inaresto ng mga operatiba ng Candelaria Municipal Police Station ang isang Indian National na umano’y suspek sa pamamaril at pagpatay sa kapwa Indiano noong nakalipas na Pebrero 8, sa Brgy. Dampay, Candelaria, Zambales.
Ayon kay Zambales Provincial Director PCol Benjamin Ariola, nasakote ang pangunahing suspek sa isinagawang hot pursuit operation kaninang umaga, Pebrero 10, 2026 sa Brgy. Palanginan, Iba, Zambales.
Natunton ito ng mga kapulisan sa pamumuno ni PCPT Ronand Carpio ng Candelaria MPS sa tulong ng Provincial Intelligence Unit.
Nasa kustodiya na ngayon ng Candelaria MPS ang suspek at inihahanda na ang pagsasampa ng kasong Murder. Patuloy pa rin ang isinasagawang hot pursuit operation para maaresto ang dalawa pang kasamahan ng suspek sa krimen.
“Nakikiramay po ang buong Zambales PNP sa pamilya ng nasawing Indian National. Makakaasa po sila na hindi po kami titigil hangga’t hindi nahuhuli ang lahat ng mga suspek sa karumal-dumal na krimeng ito,” ani ni ARIOLA.


Leave a comment