ZAMBALES — Humihingi ng agarang atensyon at aksyon ang mga residente ng Lumina Homes Subic sa Barangay Pamatawan matapos ang isang malubhang grassfire noong Pebrero 3, 2026 na muntik nang umabot sa mga kabahayan at nagdulot ng matinding takot sa komunidad.
Ayon sa isinagawang post-evaluation ng Bureau of Fire Protection (BFP) Arson Squad, ang sunog ay posibleng nagsimula dahil sa isang piraso ng salamin na nagsilbing magnifying lens sa ilalim ng matinding sikat ng araw. Giit ng mga residente, maiiwasan sana ang insidente kung agad na tinugunan ng developer na Lumina Homes/Vista Land ang kanilang mga naunang babala.
Ilan sa mga tinukoy na pagkukulang ng developer ay ang hindi paglilinis ng mga bakanteng lote na tinubuan ng matataas na damo, hindi gumaganang fire hydrant malapit sa mga “Aimee” units, kakulangan ng suplay ng tubig para sa fire emergencies, hindi pa tapos na perimeter firewall, at kakulangan ng street lights na nagdudulot ng panganib lalo na sa gabi.
Ayon kay Dr. Froilan D. Mobo, Pangulo ng Lumina Subic Home Owners Association, ilang beses na silang nagsumite ng pormal na reklamo at incident reports sa pamunuan ng proyekto, kabilang kay Engr. Lorelei Surco, subalit wala umanong naging tugon o konkretong aksyon mula sa developer.
“Hindi sana aabot sa ganito kung una pa lang ay naging responsible na ang pamunuan nitong subdibisyon at sa hanay naman namin mga homeowners ay handa kami sa pakikipagtulungan sa ikabubuti at ikagaganda ng aming subdibisyon kasi wala hindi nila kami pinapansin eh,” ani Dr. Mobo.
Dahil dito, nananawagan ang mga residente sa media upang mailantad ang isyu at mapanagot ang developer bago pa umano mauwi sa mas malubhang trahedya ang patuloy na kapabayaan sa kaligtasan ng mga homeowners.
“Kaya nanawagan kami sa mga kapatid natin sa media ng tulong na maisawalat ang aming katayuan sa kasalukuyan at sakaling mapakingan kami” giit ng homeowners na nakapanayam ng Ang Pahayagan. (Ulat ni MITCH C. SANTOS / larawan mula sa Lumina Subic Home Owners Association)


Leave a comment