Ang Pahayagan

Nasagip na Philippine Grass Owls at Philippine Hawk-Eagle, isinurender sa MENRO

GITNANG LUZON–isinurender sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ang dalawang Philippine Grass Owl at isang Philippine hawk-eagle na hiwalay na natagpuan sa Gitnang Luzon sa nakalipas na mga araw.

Sa pinakahuling ulat na nakalap ng Ang Pahayagan, Sabado, Pebrero 7 nang matagpuan ang nanghihinang isang Philippine hawk-eagle sa palayan sa Barangay Suklayin sa Baler, Aurora na nailigtas ng magsasaka.

Dinala ng magsasaka ang agila sa kanilang bahay at pansamantalang inilagay sa isang hawla bago ipinaalam ang insidente sa MENRO ng Baler.

Agad namang nai-turnover ang agila sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa wastong pagsusuri at pangangalaga.

Ayon sa DENR, dadalhin ang agila sa beterinaryo para masuri at kapag natiyak na malusog at malakas na ito, muli itong pakakawalan sa kagubatan.

Sa ikalawang insidente naman noong Miyerkules, Pebrero 4, 2026, kusang loob na isinurrender sa MENRO ni Joan Glnes, isang guro mula sa Sitio Lawin, Brgy. San Rafael, ang dalawang inakay na Philippine Grass Owl na nakuha naman sa Sitio Lomibao, Barangay Aglao, San Marcelino, Zambales.

Bunsod nito ay agad na nag-atas  si San Marcelino Mayor Elvis Soria kay MENRO Officer Marvin Beltran na agad dalhin ang dalawang Philippine Grass Owl sa Wildlife In Need Foundation – Philippines sa Subic Bay Freeport.

Ayon naman sa Wildlife In Need Foundation – Philippines, ang mga Philippine Grass Owl ay nasa juvenile stage pa at kasalukuyang nasa mabuting kalagayan. Sila ay patuloy na imo-monitor bago tuluyang i-release muli sa kanilang natural na tirahan.

📸  Mga larawan mula sa MENRO-San Marcelino at Jason De Asis (Baler Aurora)

Leave a comment