Nagsagawa ang Department of Health (DOH) Rehiyon III ng pag-inspeksyon sa ginagawang Subic General Hospital sa Barangay Asinan Proper, kaninang umaga ng Biyernes, Pebrero 6, bilang paghahanda para sa nalalapit na turn-over ng proyekto sa nasabing ahensiya.
Ang inspeksyon ay pinangunahan nina DOH Regional Director Dr. Corazon Flores, Zambales 1st District Representative Jay Khonghun, at Mayor ng Subic na si Jonathan Khonghun, kasama ang mga opisyal mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga local agencies.

Bago ang inspeksyon ay nagkaroon muna ng pagpupulong kaugnay sa planong turnover ng pasilidad na sinasabing magiging kauna-unahang DOH Hospital sa lalawigan ng Zambales.
Target umano na mai-turnover ang ospital bago matapos ang taon, at inaasahang magsisimulang magserbisyo sa mga taga-Subic at karatig-bayan umpisa ng 2027.
“Ginawa ang inspeksyong ito para suriin ang kahandaan ng ospital at tukuyin ang mga hakbang na kinakailangan para sa maayos na turnover,” ani Dr Flores.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng inspeksyon upang matiyak na ang pasilidad ay sumusunod sa mga pamantayan ng DOH.

Nabatid pa kay Flores na kapag ang ospital ay ganap na ma-turnover sa DOH, isasa-ilalim ito sa mga capacity-building program, kabilang na ang pagkakaroon ng mga additional staff, pagpapalawak ng mga serbisyo, at upgrading ng mga pasilidad upang matamo ang Level 3 status sa loob ng dalawa hanggang 3 taon.
Sa panig naman Rep. Khonghun, binigyang diin nito ang kahalagahan ng pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya para sa ikatatagumpay ng nasabing proyekto.
“This hospital is a major milestone for healthcare in our province. By working together, we are bringing quality medical services closer to our people,” saad pa ng mambabatas.

Inilahad pa nito na nakahain na sa Kamara ang House Bill 1227 para sa naturang proyekto gayundin ang pagtatakda sa kakailanganing pang mga pondo para rito.
Lubos din ang pasasalamat ng kongresista sa DOH at sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa patuloy na suporta upang matiyak na maa-ayos, de-kalibre, at makataong serbisyong pangkalusugan para sa nasanakupang distrito. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)


Leave a comment