Ang Pahayagan

SAN MARCELINO DISTRICT HOSPITAL TUMANGAP NG ICU EQUIPMENT MULA SA THE  CHURCH OF JESUS CHRIST OF LATTER-DAY SAINTS 

ZAMBALES — Ipinahayag ng pamunuan at mga kawani ng San Marcelino District Hospital (SMDH) ang kanilang taos-pusong pasasalamat sa The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints sa makabuluhang donasyon ng mga espesyal na kagamitan para sa intensive care unit (ICU) na magpapalakas sa kakayahan ng ospital na magbigay ng kritikal na serbisyong medikal sa komunidad. 

Ayon SMDH Chief of Hospital Dr. Cresencio Gonzales, ang mga makabagong kagamitang ito ay malaking tulong upang mas mabilis at mas epektibong makapagsagawa ng agarang tugon at makapagbigay ng mataas na antas ng pangangalaga sa mga pasyente sa San Marcelino at mga karatig-bayan.   

Nagpaabot din ng espesyal na pasasalamat ang SMDH kina Communications Director Ms. Monette Faltiguerra Cruz at President Salvador Soquila ng The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints sa kanilang pagsuporta at pag-endorso sa ospital para maisama sa mga misyong pang-humanitarian ng nasabing Simbahan.   

“Ang kontribusyong ito ay makabuluhang magpapalakas sa aming kakayahang maglingkod sa mga pasyenteng nangangailangan ng intensive care. Patunay ito ng walang sawang malasakit at dedikasyon ng Simbahan sa makataong paglilingkod,” pahayag pa ni Dr. Gonzales.   

Ang pakikipag-ugnayan ng San Marcelino District Hospital at The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints ay sumasalamin sa iisang layunin ng paglilingkod, malasakit, at pagpapagaling — upang matiyak na ang mga pasyenteng nasa kritikal na kalagayan ay makatatanggap ng nararapat na atensyong medikal.  

“Ang aming mga donasyon ay makatutulong sa layunin ng ospital na maging isang Level 2 hospital at magkaroon ng sariling Intensive Care Unit (ICU) na may sapat na pasilidad para sa anim na pasyente—isang malaking biyaya para sa mga mamamayan ng San Marcelino, Zambales at mga karatig-lugar. Sa pamamagitan nito, mas marami tayong buhay na maililigtas,” ani Faltiguerra Cruz ng Church of Jesus Christ Latter-day Saints.

Ang donasyon ay binubuo ng:  (1) Arterial Blood Gas (ABG) machine, (1) Continuous Passive Airway Pressure (CPAP) machine na may heated tube at mask; (1) Auto Bilevel Positive Airway Pressure (BIPAP) system na may heated tube at mask; (2) Defibrillators na may monitor; (2) ECG machines; ( 3) Heavy-duty suction machines; (2) High-flow oxygen nasal cannula devices; (6) Infusion pumps; (2) Mechanical ventilators; at (5) Patient monitors na may specifications ECG, NIBP, SpO₂, temperatura, respiration. (MITCH C. SANTOS)

Leave a comment