Ipinahayag ng bagong halal na Pangulo ng International Human Rights Movement – Philippines (IHRM Philippines) ang taos-pusong pasasalamat at pagpapakumbaba sa pagtanggap ng mahalagang tungkulin, kasunod ng pormal na pagtatalaga ng pamunuan ng IHRM sa pandaigdigang antas.
Nagpahayag ng pasasalamat si Amb. Prof. Froilan D. Mobo DPA Ph. D President International Human Right Movement (IHRM) Philippines kay IHRM Chairman Rana Basharat Ali Khan at sa Board of Governors na nakabase sa Geneva, sa ipinagkaloob na tiwala at oportunidad na pamunuan ang adbokasiya ng kilusan sa Pilipinas.
Si Mobo ay isang Pilipinong akademiko, mananaliksik, author, at educational leader na kilala sa larangan ng public administration, pananaliksik, at teknolohiyang pang-edukasyon.
Unang nagsisilbi bilang propesor sa Philippine Merchant Marine Academy (PMMA), kung saan siya ay humawak ng mga posisyong akademiko at administratibo. Naging lecturer sa mga graduate programs at naimbitahan bilang keynote o resource speaker sa mga international conferences.
Ayon sa kanya, ang pagtatanggol sa dignidad ng tao at pagsusulong ng katarungang panlipunan ay hindi lamang mga layuning propesyonal, kundi isang panghabambuhay na panata ng paglilingkod.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mas pinagtibay na ugnayan sa mga lokal at internasyonal na katuwang upang isulong ang mga programang nagtataguyod ng karapatang pantao, inklusibidad, at kapayapaan.
Layunin ng kanyang pamumuno na paigtingin ang mga inisyatiba ng IHRM Philippines para sa isang makatarungan at mapayapang lipunan, lalo na para sa mga sektor na higit na nangangailangan ng proteksiyon at representasyon.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang bagong Pangulo sa kanyang pamilya, mga kasamahan, at mga kaibigan sa patuloy na suporta at paniniwala sa kanyang kakayahan.
“Ang kolektibong pagkilos at pakikipagtulungan ng iba’t ibang sektor ang magiging susi upang makalikha ng makabuluhang pagbabago at tunay na serbisyo sa bayan,” saad ni Mobo.
Sa ilalim ng bagong pamunuan, inaasahang higit pang mapalalakas ng IHRM Philippines ang papel nito sa pagtataguyod ng karapatang pantao at katarungang panlipunan sa bansa, alinsunod sa mga pandaigdigang pamantayan at sa konteksto ng mga hamong kinahaharap ng lipunang Pilipino. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)


Leave a comment