OLONGAPO CITY — Pormal nang inilunsad ng Sangguniang Panlungsod ng Olongapo ang SangguniAPP, isang digital application na naglalayong palakasin ang transparency, accessibility, at modernisasyon ng mga proseso at serbisyong lehislatibo ng lungsod.
Isinagawa ang opisyal na launching sa isang seremonyang dinaluhan ng mga kinatawan ng lokal na pamahalaan, katuwang na teknikal na grupo, at iba pang stakeholders.
Tampok sa programa ang pagpapakilala sa SangguniAPP bilang isang makabagong plataporma na magbibigay-daan sa mas mabilis na pag-access ng publiko sa mga ordinansa, resolusyon, at iba pang impormasyon hinggil sa mga gawain ng Sangguniang Panlungsod.
Pinangunahan ni Olongapo City Vice-Mayor Kaye Legaspi ang presentasyon ng SangguniAPP na ginanap sa SMX Convention Center, SM Central Olongapo City.
Ayon kay Legaspi, layon ng SangguniAPP na mailapit sa mamamayan ang mga usaping lehislatibo sa pamamagitan ng teknolohiya, kasabay ng pagsusulong ng bukas at responsableng pamamahala. Inaasahan ding magsisilbi itong mahalagang kasangkapan sa pagpapalakas ng partisipasyon ng publiko at pagpapabuti ng ugnayan sa pagitan ng konseho at ng mga Olongapeño.
Sa pagtatapos ng aktibidad, kinilala ang kontribusyon ng grupong bumuo at nag-develop ng aplikasyon, na naging susi sa matagumpay na pagsasakatuparan ng proyekto.
“Ang SangguniAPP ay patunay ng patuloy na pagsusumikap ng Pamahalaang Lungsod ng Olongapo na yakapin ang digital innovation bilang bahagi ng mas episyente at makataong serbisyo publiko,” saad pa ng bise-alkalde. (Ulat para sa Ang Pahayagan ni MITCH C.SANTOS / Larawan mula sa fb post ni Vice Mayor Kaye Legaspi)


Leave a comment