MALABON CITY–Nasamsam ng mga awtoridad ang apat (4) na live axolotl salamander (Ambystoma mexicanum), isang endangered na uri ng amphibian, sa isinagawang joint wildlife law enforcement operation sa Don Basilio Bautista Boulevard, Barangay Hulong Duhat, Malabon City, kaugnay ng hinihinalang paglabag sa Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Pinangunahan ang operasyon ng DENR Environmental Law Enforcement and Protection Service (ELEPS) sa ilalim ng pangangasiwa ni BGEN Reuel Sorilla, OIC, ELEPS, katuwang ang Criminal Investigation and Detection Group–Northern Police District (CIDG-NPD) na pinamunuan ni PLtCol Benedict Poblete, at ang DENR National Capital Region (DENR-NCR) sa pangunguna ni For. Misael Aquino, OIC, Compliance Monitoring and Investigation Section ng Enforcement Division.
Isinagawa ang operasyon sa paligid ng Don Basilio Bautista Boulevard at Gov. A. Gabriel Street matapos makatanggap ng ulat hinggil sa umano’y ilegal na bentahan ng wildlife species. Ayon sa CIDG-NPD, agad na ikinasa ang pag-aresto matapos ibigay ng poseur-buyer ang napagkasunduang senyas na nagpapatunay na naganap na ang ilegal na transaksyon.
Dalawang (2) suspek, kapwa residente ng Barangay Hulong Duhat, Malabon City, ang inaresto sa nasabing operasyon. Mula sa kanila ay nasamsam ang 4 na live axolotl na nakalagay sa isang plastik na lalagyan.

Ang mga nasabing wildlife specimen ay agad na isinailalim sa kustodiya ng DENR-NCR at nakatakdang ilipat sa Biodiversity Management Bureau (BMB) Rescue Center para sa wastong pangangalaga, pagsusuri, at rehabilitasyon.
Ang operasyon ay alinsunod sa Republic Act No. 9147, na naglalayong pangalagaan at protektahan ang mga wildlife species at ang kanilang mga tirahan. Sa ilalim ng nasabing batas, mahigpit na ipinagbabawal ang panghuhuli, pag-aari, pagbebenta, pagbili, at pagdadala ng mga wildlife species, lalo na ang mga itinuturing na threatened o critically endangered, nang walang kaukulang permit o awtorisasyon mula sa DENR.
Ang mga inaresto ay itinuturing na inosente hangga’t hindi napapatunayang nagkasala sa korte. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang lawak ng ilegal na wildlife trade at ang iba pang posibleng sangkot sa insidente.
📸 DENR NCR


Leave a comment