Ang Pahayagan

Pasilidad at mga Bagong Kagamitan sa SMDH para Palakasin ang Serbisyong Pangkalusugan

ZAMBALES—Pinasinayaan ang bagong pasilidad, mga kagamitang medikal, at ambulansya para sa San Marcelino District Hospital (SMDH) sa ginanap na turnover ceremony sa SMDH compound, Barangay Linusungan, San Marcelino nitong Lunes, Enero 26, 2026.

Ang naturang aktibidad ay naisakatuparan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Zambales sa pamumuno ni Gobernador Hermogenes Ebdane Jr., kasama si 1st District Representative, Jefferson Khonghun at sa pakikipagtulungan ni SMDH Chief of Hospital Dr. Cresencio Gonzales gayundin ng Department of Health (DOH) at PhilHealth.

Layunin rito na patuloy na mapahalagahan at ituloy ang pagsusumikap na maiangat ang kalidad ng serbisyong pangkalusugan sa mga ospital ng lalawigan.

Kabilang sa mga na-turnover ang Ambulatory Surgery Clinic, isang ambulansya mula sa PhilHealth Yakap, Endoscopy and Medical Equipment, Dietary Building, Hospital Information System, at ang Public Comfort Room na mula sa Olongapo Multi-Purpose Cooperative.

Mayroon din mga iba’t ibang makabagong kagamitang medikal tulad ng Arterial Blood Gas (ABG) Machine, CPAP at BiPAP Machines, mga defibrillator na may monitor, suction machines, high-flow oxygen nasal cannula devices, infusion pumps, at mechanical ventilators na donasyon ng Latter-Day Saint Charities–Philippines, Inc.

Kasama rin sa mga ipinagkaloob ang Fuji Eluxeo Lite 6000 Multi-LED Complete Endoscopy System, Samsung Medison HS30 Color Ultrasound, Siemens ACUSON MAPLE Color Doppler Ultrasound at 2D Echocardiography System, at Edan F6 Fetal Monitors, na pawang nagmula naman sa Pamahalaang Panlalawigan ng Zambales.

Sa nasabing okasyon ay inihayag ni Ebdane na patuloy na pinagtitibay ng Pamahalaang Panlalawigan, ang suporta sa mga doktor, nars, at iba pang health professionals, lalo na sa mga pangunahing ospital ng lalawigan, upang masigurong de-kalidad, maagap, at abot-kayang serbisyong pangkalusugan ang naipagkakaloob sa bawat Zambaleño.

Dumalo sa programa ang mga pinuno at kinatawan ng iba’t ibang departamento ng pamahalaan at mga katuwang na ospital, kabilang sina Dra. Rowena S. Zabat-San Mateo, Acting Branch Manager ng PhilHealth PRO III-A, Jocelyn R. Pascua, Development Management Officer ng DOH III, Josefina Mecayer Chairperson ng Olongapo Multi-Purpose Cooperative, gayundin ang mga representante mula sa PhilHealth Olongapo, iba’t-ibang Rural Health Units at Philippine Navy.

📸 Zambales for the People

Leave a comment