OLONGAPO CITY — Nakatakdang magsagawa ang Department of Education (DepEd) Schools Division Office ng Olongapo City ng turnover ceremony para sa kabuuang 1,027 tablet na ipinagkaloob ng Church of Jesus Christ of Latter-day Saints (LDS) Charities bilang suporta sa programang pang-literasiya ng lungsod.
Batay sa Division Memorandum No. 035, s. 2026 na may petsang Enero 19, 2026, gaganapin ang seremonya ng pormal at malinaw na paglilipat ng kustodiya ng mga tablet sa Enero 22, 2026, alas-1:00 ng hapon, sa Old Cabalan Integrated School. Layunin ng aktibidad na tiyakin ang maayos na pamamahagi ng mga kagamitang pang-edukasyon sa mga mag-aaral na kabilang sa sektor ng struggling readers, upang higit na mapaunlad ang kanilang kakayahan sa pagbasa at digital literacy.
Inaasahang dadalo sa turnover ceremony ang mga kinatawan mula sa Pamahalaang Lungsod ng Olongapo, LDS Charities, mga opisyal ng DepEd kabilang ang CID at SGOD Chiefs, mga kawani ng dibisyon, school heads, reading coordinators, mga guro, at piling mag-aaral. Ang memorandum ay magsisilbi ring Travel Authority para sa mga opisyal at kawani ng DepEd na lalahok sa aktibidad.
Kalakip ng memorandum ang distribution list ng 1,027 tablet na ipapamahagi sa iba’t ibang pampublikong elementarya at integrated schools sa lungsod. Kabilang sa may pinakamalaking bilang ng tatanggap ang Old Cabalan Integrated School at New Cabalan Elementary School, bukod pa sa iba pang paaralan sa Olongapo na may pangangailangan batay sa resulta ng SY 2025–2026 Phil-IRI Pre-Test Report.
Pinuri ng DepEd Olongapo ang patuloy na pakikipagtulungan ng mga pribadong institusyon tulad ng LDS Charities sa pagsusulong ng edukasyon, lalo na sa pagpapalakas ng literacy partnerships na makatutulong sa paghubog ng mas handa at digitally literate na kabataan. (Ulat para sa Ang Pahayagan /MITCH C. SANTOS)


Leave a comment