SUBIC BAY FREEPORT ZONE — Pansamantalang ililipat sa labas ng San Roque Chapel ang Sunday Masses matapos ang isang hindi kanais-nais na insidente na humantong sa paglapastangan sa naturang kapilya.
Ayon sa opisyal na pahayag ni Rev. Fr. Noel Montes, Chaplain ng San Roque Chapel, ang mga banal na misa ay pansamantalang idaraos sa harapan ng Adoration Chapel habang isinasagawa ang mga kinakailangang hakbang upang maayos at maibalik ang kabanalan ng lugar.

Hiniling ng pamunuan ng kapilya ang pang-unawa, kooperasyon, at panalangin ng mga mananampalataya habang tinutugunan ang insidente nang may lubos na paggalang at pag-iingat. Hindi na nagbigay ng karagdagang detalye ang pamunuan hinggil sa insidente, subalit tiniyak na prayoridad ang paggalang sa kabanalan ng kapilya at ang kaligtasan ng mga nagsisimba.
Samantala, patuloy na hinihikayat ang mga deboto na makiisa at sumunod sa pansamantalang kaayusan habang isinasagawa ang mga nararapat na hakbang upang maibalik ang normal na pagsasagawa ng mga misa sa loob ng San Roque Chapel. (Ulat para sa Ang Pahayagan /MITCH C SANTOS)


Leave a comment