ZAMBALES– Binigyang-diin ni Gobernador Hermogenes E. Ebdane Jr. ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos at epektibong pamamahala upang mapanatili at mapalawak pa ang mga nakamit pag-unlad ng lalawigan ng Zambales ayon sa kanyang State of the Province Address (SOPA) na ginanap nitong Lunes, Enero 19, 2026.
Sa kanyang talumpati na may temang “Collective Resonance: The Ray of Hope, Transformation, and Effective Governance,” inilahad ng gobernador ang aniyang yugto ng pamumuno sa lalawigan sa loob ng mahigit labing-limang taon ng mga reporma at pagbabago.
Ayon kay Ebdane, ang layunin aniya ngayon ay isang Zambales na tunay na para sa bawat Zambaleño. “Today marks the unfolding of a new chapter, one that builds upon fifteen years of legacy with a simple yet bold vision: a Zambales that truly works for every Zambaleño. Having become the province, we once only dreamed of, we are now called to rise above complacency and to chart a new course toward sustained excellence, ensuring that the very progress we have achieved becomes the foundation for a better future.”
Ipinahayag ni Gov. Ebdane na muling naitatag ang tiwala ng publiko sa pamahalaan sa pamamagitan ng open government partnership, na nagpalakas sa transparidad, pananagutan, at aktibong pakikilahok ng mamamayan. Pinagtibay rin ang mga mekanismo ng pamamahala upang masiguroaniya na nararamdaman ang serbisyo ng Kapitolyo hanggang sa kanayunan.
Tinukoy ng gobernador ang tatlong haligi ng matibay na pamahalaan: mahusay na paggamit ng yaman, episyenteng proseso, at malinaw na prayoridad na nakatuon sa pangmatagalang kaunlaran.
Buong pagmamalaki din na tinuran ni Ebdane na muling napanatili ng Zambales ang katayuan bilang First-Class Province, bunsod ng pinaigting na disiplina sa pananalapi at pinalakas na revenue generation.
Sa sektor ng kalusugan, pinalawak aniya ang access sa dekalidad at abot-kayang serbisyong medikal sa pamamagitan ng modernisasyon ng mga ospital at pakikipagtulungan sa PhilHealth.
Sa serbisyong panlipunan, tiniyak ng pamahalaang panlalawigan na walang pamilyang Zambaleño ang maiiwan sa tulong ng mga programang tulad ng Hatid Serbisyo at Tulong Kapitolyo, na direktang nagdadala ng tulong sa mga komunidad.
“Our goal is enhanced social development, improved well-being, and a self-reliant citizenry – that no Zambaleño family is left behind. Our programs in child welfare, crises intervention, family support, and senior citizen care, uplift dignity and strengthen hope across communities, ensuring social equity and stability,” saad ni Ebdane.
“Through “Hatid Serbisyo” we brought social services directly to the doorsteps of our people, breaking barriers of distance, cost, and bureaucracy. In all these efforts, we affirmed one truth: the strength of Zambales lies in the dignity of our people, and in our shared resolve to leave no one behind. Our “Tulong Kapitolyo”, meanwhile, attends to those whose needs require immediate attention,” pagdidiin ng gobernador.
Pinatatag rin aniya ang ekonomiya, agrikultura, pangingisda, at turismo sa pamamagitan ng pagtatatag ng Zambales Mango Industry Council at Zambales Maritime Development Council, pati na ang patuloy na suporta sa mga magsasaka at mangingisda.

Samantala, binigyang-diin ang malalaking proyektong pang-imprastruktura tulad ng bagong Kapitolyo, multi-purpose building, sports complex, at mga pasilidad pangkalusugan at edukasyon sa iba’t ibang bayan.
Libo-libong mag-aaral din umano ang nakinabang sa pinalawak na Handog Edukasyon, habang pinalakas ang sports development program na nagbunga ng mga karangalang pambansa at internasyonal para sa lalawigan. Inihayag din niya ang kahandaan ng Zambales sa pag-bid bilang host ng Palarong Pambansa 2027.
Ipinatupad ang 10-Year Solid Waste Management Plan bilang bahagi ng adbokasiya sa pangangalaga sa kalikasan at climate resilience.
“These efforts thrive in collaboration among provincial, municipal, and barangay governments, partner agencies, civil society, and every household. With shared responsibility and collective action, we are building a cleaner, greener, and safer Zambales for generations to come,” ayon pa kay Ebdane.
Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, hinimok ni Gov. Ebdane ang lahat ng opisyal at mamamayan na manatiling handa sa mga hamon ng klima, kalusugan, at kahirapan. Binigyang-diin niya na ang tunay na kahusayan ay bunga ng kolektibong aksyon, disiplina, at pagkakaisa. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MARTI DUMAGUING)

Si Gobernador Hermogenes E. Ebdane Jr. at Bise-Gob Jaq Khonghun kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan matapos ang State of the Province Address. (Mga larawan para sa Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)


Leave a comment