SUBIC BAY FREEPORT—Pinasinayaan na ang bagong monumentong itinayo sa harap ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) administration building sa bilang pagpupugsay sa mga Filipino-U.S. sailors na na-recrecruit noong panahon na ang Subic Bay ay base-militar pa lamang ng Estados Unidos.
Ang unveiling ceremony para sa nasabing bantayog na tinagurian “Filipino Shipmate Monument” ay ginanap nitong Miyerkules, Enero 14, na dinaluhan ng miyembro ng United States Sailors Alliance of the Philippines (USSAP) at ng mga inimbitahang panauhing pandangal kabilang sina SBMA Chairman and Administrator Engr. Eduardo Jose L. Alino, Olongapo City Mayor Atty. Rolen Paulino Jr., at mga kinatawan US Embassy sa Manila.
Itinayo ang monumento kahanay ng iba pang makasaysayang bantayog tulad ng Inang Laya. Children of the Sun Returning, at ng Hellships Memorial sa bahagi ng Waterfront Road.

Pinangunahan nina Doce Salazar (ika-6th mula kaliwa), president ng USSAP kasama sina SBMA Chairman and Administrator Eduardo Jose Aliño (ika-5 mula kaliwa), Olongapo City Mayor Rolen Paulino Jr. US Coast Guard Program Officer Cdr Ryan Newmeyer (ika-2 dulong kanan), representate mula sa US Embassy Manila at mga opisyales ng United States Sailors Alliance of the Philippines ang pagpapasinaya ng Filipino Shipmate Monument sa Subic Bay Freeport.
Nabatid kay Doce Salazar, Lieutenant Commander (Ret) ng United States Navy at Presidente ng USSAP, mahalaga sa kanila ang pagtatayo ng nasabing monument na kumikilala at nagbibigay pugay sa mga Filipinong nagsilbi bilang mga mandaragat sa ilalim ng US Navy at US Coast Guard.
“Ang monumento ay pagpupugay sa matagal na papel ng mga Filipinong U.S. Sailors at sumasalamin sa mga dekada ng buhay sa dagat, kasaysayan, kooperasyon, at paggalang sa isa’t isa sa pagitan ng Pilipinas at Amerika,” saad pa ni Salazar.
Ang Subic Bay ay nagsilbing recruitment center at tahanan ng libu-libong US sailors mula 1901 hanggang 1991 kung saan mahigit 35,000 Pilipino ang na-recruit mula sa Sangley Point Naval Station sa Cavite at Subic Bay Naval Base sa Olongapo bago ang bases pull-out noong 1992.
Ang USSAP ay isang non-profit organization na binubuo ng mga mandaragat mula sa Pilipinas na dating nagtrabaho o kasalukuyang nagtratrabaho sa US Navy at US Coast Guard. Layunin nila na makapaglunsad ng mga community service responsibility activities upang mapanatili ang legasiya bilang mga Pilipinong mandaragat sa Pilipinas. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)


Leave a comment