SUBIC GENERAL HOSPITAL: TUGON SA MGA AGAM-AGAM, UMANO’Y KATIWALIAN AT DI MATAPOS-TAPOS NA PROYEKTO
Sa gitna ng kumakalat na agam-agam at umano’y may katiwaliaan sa di matapos- tapos na konstruksyon ng Subic General Hospital, nagsagawa ng masusing pagsusuri sa mga opisyal na dokumento, timeline ng proyekto, at pahayag mula sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan upang matukoy ang katotohanan sa likod ng isyu.
Inilunsad ang proyekto noong 2022 bilang isang 20-bed infirmary sa ilalim ng lokal na pamahalaan ng Subic, na may panimulang pondong P10 milyon. Sa panahong ito, malinaw na limitado pa ang saklaw ng pasilidad at hindi pa ito idinisenyo bilang isang ganap na ospital.
Noong 2023, iminungkahi ng Department of Health (DOH) ang pag-upgrade ng pasilidad sa isang 74-bed Level 1 hospital. Kasabay nito, pansamantalang nahinto ang konstruksyon—isang pangyayaring naging ugat ng mga alegasyon.
Batay sa nakalap na impormasyon, ang paghinto ay hindi dulot ng anomalya kundi ng kakulangan ng pondo at paglipat ng administrasyon, na nangangailangan ng panibagong pagsusuri at pag-apruba, lalo na’t inaakyat na ang proyekto sa antas ng pambansang pamahalaan.
PAGPASOK NG DOH AT MASUSING DUE DILIGENCE.
Nang opisyal na tanggapin ng DOH ang proyekto, isinailalim ito sa masusing technical evaluation, kabilang ang rebisyon ng disenyo at pagsunod sa pamantayan ng mas mataas na antas ng ospital. Ayon sa mga eksperto, ang pagkaantala sa unang paglabas ng pondo ay bahagi ng due diligence na layong maiwasan ang katiwalian at masigurong maayos ang paggastos ng pondo ng bayan.
Noong Mayo 2024, matapos makumpleto ang lahat ng kinakailangang pagsusuri, muling ipinagpatuloy ang konstruksyon sa ilalim ng P289.5 milyong badyet at itinakda ang pasilidad bilang isang 100-bed Level 2 hospital.
Lumabas din sa mga rekord na ang 1.5-ektaryang lupang tinatayuan ng ospital ay donasyon mula kay Willy Tan ng Hausland Group (Fiesta Communities).
Pagsapit ng Hulyo 2025, umabot sa P300 milyon ang kabuuang pondo kasunod ng pag-upgrade sa 150-bed capacity. Nadagdagan pa ito ng P50 milyon noong Disyembre 2025 para sa mga susunod na yugto ng konstruksyon, na lahat ay dumaan sa opisyal at dokumentadong proseso ng pag-apruba.
PALIWANAG NG DPWH.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), walang batayan ang mga paratang na naantala ang proyekto dahil sa kapabayaan o katiwalian. Ipinakita ng kanilang mga tala na ang bawat paghinto at pagpapatuloy ng konstruksyon ay kaugnay ng pagbabago at pagpapalawak ng saklaw ng proyekto.
Binigyang-diin ng ahensya na ang rebisyon ng plano, paglawak ng floor area, at pagtaas ng bed capacity ay natural na nagdulot ng mas mahabang timeline, kapalit naman ng isang mas malaki at mas komprehensibong pasilidad.
Kapag natapos sa Nobyembre 2026, inaasahang magiging isang DOH-operated Level 3 hospital ang Subic General Hospital. Layunin nitong maibsan ang pagsisikip sa mga ospital sa Zambales, Olongapo City, at Bataan, partikular para sa mga pasyenteng nangangailangan ng specialized at advanced medical care.
KONKLUSIYON
Batay sa pagsusuri ng mga dokumento, timeline, at opisyal na pahayag ng mga ahensya ng pamahalaan, walang nakitang ebidensiya ng katiwalian sa pagpapatupad ng proyekto. Sa halip, ipinapakita ng mga rekord na ang Subic General Hospital ay dumaan sa masusing proseso bunsod ng sunod-sunod na pag-upgrade—isang hakbang na naglalayong tiyakin ang mas dekalidad at pangmatagalang serbisyong pangkalusugan para sa publiko.


Leave a comment