Ang Pahayagan

PTFoMS nakiramay sa pagpanaw ng photojournalist na nasawi habang nagkokober ng Traslacion

Naglabas ng pahayag ang Presidential Task Force on Media Security kasunod ng pagkamatay ng photojournalist na si Itoh Son sa gitna ng Traslacion2026 coverage nitong Biyernes, Enero 9.

Ang naturang photojournalist na si Son ng tabloid newspaper na Saksi ay sinasabing nagkaroon ng atake sa puso, ayon sa kanyang mga kasamahan.

Napag-alaman na natumba ang biktima malapit sa MPD Station 5 at agad isinakay sa ambulansya para dalhin sa ospital. Ayon sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office, naibalik pa ang pulso ng photojournalist ngunit binawian din ito ng buhay.

“Kami sa Presidential Task Force on Media Security ay taos-pusong nakikiramay sa pamilya, kaibigan, at mga kasamahan ni Itoh Son, isang photojournalist na pumanaw habang nagsasagawa ng kanyang trabaho sa Traslacion 2026 sa Maynila, ”saad sa PTFOMS statement.

“Ang kanyang hindi matatawarang serbisyo sa larangan ng photojournalism ay magsisilbing inspirasyon sa iba. Nawa’y magsilbi rin itong paalala sa lahat ng media workers na maging mapagmatyag sa kanilang kalusugan at kaligtasan habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Sa gitna ng matinding dedikasyon, huwag kalimutan ang kahalagahan ng pag-aalaga sa sarili upang ipagpatuloy ang paglilingkod ng may pag-iingat at malasakit para sa kapwa,” dagdag pa sa pahayag.

Leave a comment