OLONGAPO CITY — Pormal na nagsumite si John Ray Tadena Feliziar, residente ng Barangay Sta. Rita, ng isang panukalang rebisyon sa City Ordinance No. 36 Series of 2016 na naglalayong higpitan at paghusayin ang regulasyon sa paggamit ng maingay na motorcycle exhaust systems sa lungsod.
Ang nasabing panukala ay inihain kay Vice Mayor Kaye Ann Sioson Legaspi, bilang Presiding Officer ng Sangguniang Panlungsod ng Olongapo, upang isailalim sa pagsusuri at deliberasyon ng kaukulang komite ng konseho.
Ayon sa liham, layunin ng panukalang rebisyon na mabawasan ang noise pollution na dulot ng mga malalakas, modified, at open-pipe mufflers na nakaaapekto sa kalusugan—lalo na sa pandinig at mental na kalagayan—ng mga residente.

Nilalayon din nitong iayon ang lokal na ordinansa sa mga umiiral na pambansang batas tulad ng Republic Act 4136 (Land Transportation and Traffic Code), Republic Act 8749 (Clean Air Act), at mga memorandum circular ng LTO hinggil sa exhaust systems at noise standards.
Kabilang pa sa mga pangunahing punto ng panukala ang pagkakaroon ng malinaw at nasusukat na antas ng ingay gamit ang calibrated decibel meters upang matiyak ang patas at batay-sa-ebidensyang pagpapatupad ng batas. Inaasahan din na makatutulong ito upang maiwasan ang kalituhan at hindi pagkakatugma sa pagpapatupad ng lokal at pambansang mga polisiya.
“Bilang isang concerned citizen, layon kong ipahayag na ang mga mungngkahing pagbabago ay makatutulong sa pagpapanatili ng kaayusan, kapayapaan, at maayos na kalagayan ng pamumuhay sa mga lansangan at loob ng mga barangay sa ating lunsod,”ani Felizar.
Sa pagtatapos ng kanyang liham, magalang niyang hiniling sa tanggapan ng bise alkalde ang pag-endorso ng panukalang rebisyon sa naaangkop na komite ng konseho para sa masusing pagtalakay at aksyon. (MITCH C. SANTOS)
📸 PNP


Leave a comment