Ang Pahayagan

PROTESTA LABAN SA NUCLEAR POWER PLANT

PANGASINAN — Pinangunahan ng Pangasinan People’s Strike for the Environment (PPSE) ang isinagawang banal na misa at kilos-protesta ng St. Isidore the Farmer Parish bilang pagtutol sa planong pagtatayo ng nuclear power plant sa bayan ng Labrador sa lalawigang ito. 

Ayon sa PPSE, mariin nilang tinututulan ang proyektong nukleyar na anila’y hindi solusyon sa krisis sa kuryente at patuloy na kahirapan ng mamamayan. Iginiit ng grupo na ang tunay na lunas ay ang pagpapaunlad ng agrikultura at industriya sa pamamagitan ng mas malakas na suporta ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura at pangisdaan, pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa at yamang-dagat, at pagtatayo ng batayang mga industriya sa balangkas ng pambansang industriyalisasyon. 

“Mas naniniwala kami na  dapat ay mas paigtingin pa ang programa at proyekto para sa industriya ng agrikultura at pangisdaan, dahil eto ang pangunahing ikinabubuhay ng marami dito,” ayon kay Eco Sangla,  convenor ng PPSE.

“Para saan ang pagtatayo ng nuclear power plant kung marami namang kapos sa kabuhayan dahil walang tunay na reporma sa lupa at kabuhayang dagat,” pagdidiin pa nito. 

Binanggit din ng PPSE ang karanasan ng mamamayan sa mga malalaking proyektong pang-enerhiya na sa halip na magbigay ng mura at sapat na kuryente, ay nauuwi umano sa mataas na singil at mas malaking tubo para lamang sa malalaking negosyo. Dagdag pa rito ang banta sa kaligtasan, kalikasan, at kabuhayan ng mga residente sakaling magkaroon ng aberya ang plantang nukleyar na itatayo sa isang disaster-prone na lugar. 

Partikular na binigyang-diin ng grupo na ang bayan ng Labrador ay binabagtas ng East Zambales Fault na bahagi ng Lingayen Gulf Fault System, bagay na nagpapataas ng panganib sa anumang proyektong nukleyar. Isa rin sa kanilang tinukoy na suliranin ang nuclear waste na nananatiling radioactive sa loob ng daan-daang libong taon, gayundin ang katotohanang hindi maituturing na “renewable energy” ang nuclear power dahil ang nuclear fuel ay inaangkat at nagmumula sa pagmimina sa ibang bansa. 

Sa halip na nuclear energy, patuloy na nananawagan ang PPSE ng pagpapaunlad ng lokal na alternatibo at renewable energy sources, kasabay ng sapat na suporta sa mga Pilipinong siyentista, mananaliksik, at inhinyero para sa tunay at pangmatagalang pambansang kaunlaran. 

Binigyang-diin din ng grupo na karapatan ng mamamayan ang sapat at wastong impormasyon hinggil sa mga proyektong may malawak na epekto sa kanilang buhay at kinabukasan. Anila, ang anumang pagsang-ayon o pagtutol sa ganitong mga proyekto ay dapat dumaan sa tunay na demokratikong konsultasyon at hindi dapat ikondisyon sa ayuda o serbisyong nararapat namang tinatamasa ng publiko. 

Sa pagtatapos ng kanilang pagkilos, muling iginiit ng PPSE at ng mga nakilahok na mamamayan ang panawagang itigil ang planong nuclear power plant sa Labrador, kasabay ng paninindigang ipaglaban ang kalikasan at kapakanan ng kasalukuyan at susunod na henerasyon. (Ulat para sa Ang Pahayagan ni Mitch C. Santos)

📸 PPSE

Leave a comment