Ang Pahayagan

KALITUHAN SA USAPIN NG OVERPAYMENT SA GORDON COLLEGE

Ang Commission on Higher Education (CHED) ay may tungkuling tiyakin ang bawat pisong inilalabas para sa programang Free Higher Education (FHE) ay naaayon sa aktuwal na pangangailangan ng mga institusyon.

Isa sa pinakahuling isyu rito ay ang kaugnay sa ulat ng Commission on Audit (COA) na mayroon umanong Php19 milyon na overpayment na naganap sa Gordon College.

Kung mapatutunayan na mayroong labis na ibinayad, tungkulin ng CHED na ipatupad ang rekomendasyon ng COA na ibalik ang sumobrang pondo. Gayundin, dapat ipaliwanag ng Gordon College kung paano naitala na ang Audio-Visual Room o AVR sa Tuition and Other School Fees (TOSF) nito bilang laboratory fees.

Sa paliwanag ng Gordon College nitong Linggo, Enero 4, ang umano’y P19 milyon na overpayment sa ilalim ng FHE program ay dahil sa misclassification ng mga bayarin, at hindi dahilan sa maling paggamit ng pondo.

Inamin ng kolehiyo na nag-ugat ang isyu nang mapasama ang Audio-Visual Room (AVR) fees sa ilalim ng laboratory fees sa Tuition and Other School Fees (TOSF) nito.

Ayon sa kolehiyo, ang unang pagsasama ng Audio-Visual Room (AVR) fees bilang bahagi ng laboratory fees ay ginawa nang may mabuting hangarin. Ang patakarang ito anila ay matagal nang nakapaloob at malinaw na nakasaad sa isinumite at inaprubahang Tuition and Other School Fees (TOSF), kung saan nakalista ang AVR sa ilalim ng laboratory fees.

Gayunman, nang ipabatid na ang “laboratory fees” ay mahigpit na tumutukoy lamang sa mga kursong gumagamit ng espesyalisadong kagamitan—na maaaring hindi ganap na nasaklaw ng naunang klasipikasyon—agad na inaksyunan ng kolehiyo ang usapin at inalis ang naturang bayarin sa listahan simula pa noong nakaraang taon.

KONKLUSYON

Hindi ito unang pagkakataon na nakapagtala ang COA ng overpayment sa mga kolehiyo at unibersidad. Sa mga nakaraang taon, lumabas din ang ulat na may mahigit Php548 milyon na overpayment sa iba’t ibang state universities.

Ipinapakita rito mayroong sistemikong problema sa kontrol at pagsusuri ng CHED sa mga bayarin ng mga institusyon.

Sa panahon ng kakulangan sa badyet na laan sa edukasyon, ang anumang labis na bayad ay dapat masusing ipaliwanag at kung kinakailangan, ibalik sa kaban ng bayan.

Sa huli, ang isyu ay hindi lamang tungkol sa Php19 milyon, kundi sa integridad ng pamamahala ng pondo para sa edukasyon—isang sektor na dapat pinapangalagaan.

Ang transparency at accountability ay mahalaga upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa mga institusyong pang-edukasyon.

Leave a comment