PAMPANGA– Sinamsam ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark ang dalawang parcels na naglalaman ng naglalaman ng kabuuang 4,124 ng hinihinalang mga ecstasy tablets na nagkakahalaga ng ₱7,040,125.00, sa Clark International Airport, Pampanga.
Ang operasyon ay isinagawa sa pakikipag-ugnayan ng Philippine Drug Enforcement Agency – Airport Interdiction Unit (PDEA-AIU) na sinaksihan din ng mga tauhan ng Philippine National Police.
Ang nasabing mga parcel ay nagmula sa bansang Austria at patungo sana sa Davao City nang masabat ng mga otoridad.

Idineklara ang parehong parsela na naglalamang umano ng mga car mat subalit sa pagsusuri, ang unang parsela ay nakitaan ng 2,693 ecstasy tablet na may tinatayang halaga na ₱4,591,275.00, habang ang pangalawa naman ay naglalaman ng 1,431 ecstasy tablet na nagkakahalaga ng ₱2,448,850.00.
Ang mga ito ay dumating sa isang air express warehouse sa Clark International Airport noong Disyembre 24, 2025 at una nang na-flag sa X-ray Inspection Project (XIP) Team ng BOC bunsod sa mga lumabas na kahina-hinalang larawan.
Ang mga nasamsam na tablet ay nagpositibo sa ilegal na droga sa inisyal na on-site presumptive drug test na isinagawa ng PDEA gamit ang Rigaku handheld spectrometer.


Leave a comment