Ang Pahayagan

Tatlong mangingisda nasagip ng bapor ng Amerika

SUBIC BAY FREEPORT– Nasagip ang tatlong Filipinong mangingisda ng mga tripulante ng napadaang US Navy supply ship sa West Philippine Sea malapit sa Bolinao, Pangasinan nitong Huwebes, Enero 1, 2026.

Ayon sa isang social media post ng Embahada ng Estados Unidos sa Maynila, nasagip ang tatlong mangingisdang ng napadaang USNS Cesar Chavez (T-AKE 14), isang Lewis and Clark-class dry cargo supply ship ng US Navy.

Agad na sinuri ng medical staff ang kalagayan ng mga mangingisda habang nasa naturang barko at inabisuhan ang mga awtoridad ng Pilipinas.

Sa ulat naman mula sa Philippine Coast Guard (PCG) na nangasiwa sa ginawang turn-over, kinilala ang mga nailigtas na mangingida na sina Michael Lebios, Michael John Lebios, at Lorjun Lupague, pawang mga residente ng Sitio Pocdol, Barangay Cato, Infanta, Pangasinan.

Napag-alaman na habang pabalik mula sa pangingisda, nakaranas sila ng problema sa makina at tinamaan ng malalakas na alon, na naging sanhi ng bahagyang paglubog ng kanilang bangka.

Nagawa umano nilang itali sa kalapit na payao ang kanilang bangka hanggang sa mapadaan ang USNS Cesar Chavez na sumagip sa kanila sa gamit ang inflatable boat na naghatid sa kanila sa bapor.

Itinurn-over ang mga nasagip na mangingisda sa PCG nang dumaon ang naturang bapor sa Riviera Pier ng Subic Bay Freeport sa Zambales, kung saan agad na nakipag-ugnayan ang PCG sa lokal na tanggapan ng Infanta Pangasinan upang masundo ang mga ito at maihatid sa kanilang mga pamilya.

๐Ÿ“ธ PCG

Leave a comment