OLONGAPO CITY- Muling nabuhay ang lansangan sa makukulay na mga dekorasyon, tugtugin, at samu’t saring aktibidad na nagtitipon sa mga pamilya at komunidad para sa isang pagdiriwang na sumasalamin sa pagkakakilanlan at sama-samang diwa ng mga Olongapeño, ang ginanap nakapistahan ng siyudad nitong Miyerkules, Disyembre 30, 2025.
Pinangunahan ng Pamahalaang Lungsod ang serye ng mga aktibidad na nagbigay-diin sa mayamang kultura, kasaysayan, at pagkakaisa ng mga Olongapeño.
Tampok sa selebrasyon ang makukulay na street parade, pagtatanghal ng mga lokal na artista at cultural groups, paligsahan sa palakasan, at iba’t ibang programang pangkomunidad na nagbigay-saya sa lahat ng sektor.
Nagpahayag ng pasasalamat ang mga lokal na opisyal sa patuloy na suporta at pakikiisa ng mamamayan, gayundin sa mga organisasyon at ahensiyang tumulong upang maging maayos at ligtas ang pagdiriwang. Ayon sa kanila, ang matagumpay na selebrasyon ay patunay ng matibay na samahan at pagmamalasakit ng mga taga-Olongapo sa kanilang lungsod.
“Maligayang pasko at Manigong Bagong Tao sa lahat ng taga Olongapenos at Maraming salamat sa inyong pakikiisa at pagtitiyaga sa selebrasyon ng ating kapistahan na halos taong- taon eto ay ating ipinagdiriwang at pilit na pinapaganda. Para eto ay maging lalong kaakit- akit sa ating mga kababayan at mga turistang bisita dito sa lungsod” ayon sa dating mayor na ngayon ay BCDA Director na si Rolen C. Paulino.
Bukod sa kasiyahan, nagsilbi rin ang City Fiesta bilang pagkakataon upang ipakita ang lokal na talento, pasiglahin ang turismo, at palakasin ang kabuhayan ng maliliit na negosyante na nakinabang sa dagsa ng mga bisita.
Sa kabuuan, ang City Fiesta 2025 ng Olongapo ay nag-iwan ng masayang alaala at muling nagpatibay sa diwa ng pagkakaisa at pagmamalaki ng mga Olongapeño sa kanilang lungsod. (Ulat ni Mitch C. Santos / Larawan mula kay KIA)


Leave a comment