Ang Pahayagan

MGA RESIDENTE AT KATUTUBO NAGMARTSA LABAN SA EKSPANSYON NG SOLAR FARM SA OLONGAPO

OLONGAPO CITY — Nagsagawa ng kilos-protesta ang ilang residente patungong sa Rizal Triangle Park kasama ang mga katutubong Ayta mula sa Mount Malimpuyo, Barangay Sta. Rita upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa panukalang Phase 2 solar farm project sa lungsod ng Olongapo.

Ayon sa mga nagprotesta, may pangamba umano sila sa posibleng epekto ng proyekto sa kapaligiran, kabuhayan, at sa mga lupang sinasabing saklaw ng kanilang komunidad. Iginiit nilang hindi umano sila nakonsulta hinggil sa nasabing proyekto.

“Tayong mga Olongapeños ay kailangan magsalita at iparating ang ating pagtutol sa pagtatayo ng Solar Farm ng Aboitiz, partikular dito sa Phase 2 ng Balimpuyo, dahil tiyak na masisira ang kalikasan, kabuhayan  at tahanan ng mga nasa paligid  nito,” pahayag ni Mario Nueva, isa sa mga lider at residente ng Komunidad.

“Marami nang mga kaso ng pagguho ng tipak ng bato rito kapag nagkakaroon ng malalakas na bagyo, yun pa kayang putulin ang mga puno sa paligid nito (Mt Balimpuyo) at sirain ang istraktura ng  kabundukan, di malayong delubyo ang ating marating  gaya sa Cebu kapag hinayaan at pinayagan natin ang pagtatayo ng Solar Farm Phase 2,” pagdidiin pa ni Nueva.

Ang nasabing protesta ng mga residente at ginawa alinsabay sa public consultation na inorganisa ng mga opisyales ng Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ni Kagawad Noel Atienza upang dinggin ang panig ng mga apektadong residente lalo na ng mga katutubong Ayta na naninirahan sa lugar.

Sa nasabing pagtitipon, binigyang-diin ng mga opisyales ang kahalagahan ng dayalogo at bukas na talakayan upang matiyak na ang anumang proyektong pangkaunlaran ay sumusunod sa batas at isinasaalang-alang ang kapakanan ng komunidad at ng kalikasan. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan / MITCH C.SANTOS)

Leave a comment