Ang Pahayagan

DBM, naglabas ng circular para sa pagbibigay ng Productivity Enhancement Incentive (PEI) sa FY 2025

Matapos ang pag-apruba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng Circular Letter (CL) No. 2025-13 upang ipaalam sa lahat ng ahensya ng gobyerno ang patuloy na pagbibigay ng Productivity Enhancement Incentive (PEI) para sa Fiscal Year 2025.

“We thank President Ferdinand R. Marcos Jr. for his approval, which enables the continued grant of the Productivity Enhancement Incentive. This reflects our shared commitment in recognizing performance, professionalism, and the vital role of public servants,” ani DBM Acting Secretary Rolly Toledo.

Bawat kwalipikadong kawani ng gobyerno ay makakatanggap ng P5,000 na PEI, na maaaring ibigay simula Disyembre 15, 2025, alinsunod sa mga patakaran na nakasaad sa Budget Circular No. 2017-4.

Saklaw ng PEI ang mga sibilyang empleyado ng national government agencies, state universities and colleges, government-owned or -controlled corporations (GOCCs) na nasa ilalim ng DBM, local government units (LGUs), local water districts, pati na rin ang military at uniformed personnel.

Ang P9.24 bilyong pondo para sa PEI ng FY 2025 ng mga kwalipikadong sibilyang empleyado at military at uniformed personnel sa National Government ay naipamahagi na nang buo sa mga ahensya, alinsunod sa 2025 General Appropriations Act (GAA).

Sa paglabas ng CL No. 2025-13, tiniyak ng DBM ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng PEI bilang suporta sa pagpapataas ng productivity at morale ng mga kawani ng gobyerno.

Ang pagbibigay ng PEI ay susunod pa rin sa mga kundisyon sa BC No. 2017-4, kabilang ang requirements sa serbisyo at performance. Ang mga empleyadong nakapaglingkod ng mas mababa sa apat (4) na buwan ay maaaring makatanggap ng pro-rated na halaga, ayon sa umiiral na patakaran.

Ipinagkakaloob ang PEI taun-taon mula pa noong 2016 bilang pagkilala sa serbisyo publiko, pagpapanatili ng morale ng mga empleyado, at paghikayat sa mas mahusay na serbisyo sa buong burukrasya. (PR)

Leave a comment