Ang Pahayagan

Asia-Pacific Regional Jamboree sa Zambales, nagsimula na

ZAMBALES- Opisyal nang binuksan nitong Lunes, Disyembre 15, ang 33rd Asia-Pacific Regional Scout Jamboree kung saan may halos 25,000 scouts, leaders, at volunteers mula sa Pilipinas at Asia-Pacific region ang nakikibahagi sa pagtitipon na ginaganap sa Camp Zambales sa Barangay San Juan, Botolan.

Sa temang “Be Prepared: Scouts for Peace and Sustainable Development,” tatagal hanggang Disyembre 21 ang jamboree na inaasahang magsisilbing plataporma para sa cultural exchange, community-outdoor based activities ng mga kabataang delegado.

Nagpamalas ang mga kabataan mula sa Lubos na Alyansa ng mga Katutubong Ayta ng Sambales  o Lakas ng kanilang katutubong sayaw sa harap ng delegado ng 33rd Asia Pacific Regional Scout Jamboree.(Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)

Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng parada ng mga delegado at nagkaroon din ng mga kultural na pagtatanghal.

Sa pambungad na mensahe ni Zambales Governor Hermogenes Ebdane Jr., sinabi niyang magsisilbing training ground ang pagtitipon para sa mga lider sa hinaharap kung saan nasasalamin din aniya ng jamboree ang commitment ng lalawigan tungo sa youth development and international cooperation.

“Today’s jamboree is more than a gathering; it is a training ground for future leaders, leaders who will protect the environment, strengthen communities, promote peace, and face challenges with courage and compassion,” ani Ebdane na siya rin tumatayong ng Camp Chief ng APRJ.

“Long before I serve in government, as chief PNP, as Secretary of National Defense, as Secretary and as governor, I have first been a scout. The values I learn from scouting, discipline, leadership, teamwork and service, guided me throughout a lifetime for public service,” dagdag pa ng gobernador.

Tinanggap ni Zambales Governor Hermogenes E. Ebdane Jr.(kanan), mula kay Dato Dr. Mohd Zin Bin Bidin, Chairperson ng APR Regional Scout Committee ang Plaque of Appreciation mula sa Persekutuan Pengakap Mayasia (Scout Association of Malaysia), alinsabay sa pagbubukas ng 33rd Asia Pacific Regional Scout Jamboree. (Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)

Ayon naman kay Boy Scouts of the Philippines (BSP) National President and Deputy Camp Chief Atty. Emilio B. Aquino, ang pagtitipon ay higit pa sa isang regular na kaganapan sa Scouting. Ang naturang programa aniya ay isang pangmatagalang pamumuhunan para sa kinabukasan ng bansa.

“This is an investment in our young people, not just an investment to our young people, but it is an investment to a better nation,” saad pa nito.

Kabilang sa mga kalahok ang mga scouts, leaders at volunteers mula sa 33 miyembrong organisasyon ng Scouting regions ng Asia-Pacific, kasama ang mga delegado mula sa ibang mga rehiyon ng Scouting. Nakikilahok din ang mga kinatawan mula sa World Organization of the Scout Movement at World Scout Bureau–Asia-Pacific Region. (Ulat para sa Ang Pahayagan ni MARTI DUMAGUING)

Masayang nagkuhanan ng selfie ang delegasyon ng mga scout mula sa bansang Mongolia alinsabay sa parade ng pagbubukas ng 33rd Asia Pacific Regional Scout Jamboree. (Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)

Leave a comment